Pauleen Luna, palaban sa pagmamamaldita ni Cristine Reyes!

NAPAKAMALDITA NG DATING ni Cristine Reyes sa kanyang mga binibitiwang salita patungkol kay Pauleen Luna. Hindi raw niya alam, kaya puno siya ng pagtataka kung bakit nagagalit sa kanya ang magandang alaga ni Manay Lolit Solis.

Nakakaloka ‘yung sinasabi niyang hindi raw nag-e-exist sa buhay niya si Pauleen. ‘Yung mga ganu’ng tipo ng salita ay nanggagaling lang at lumalabas sa bibig ng isang taong galit, at hindi natutuwa sa isa pang tao na pinag-uusapan. Buong taray ring sinabi ng sister ni Ara Mina patungkol kay Pauleen, ang salitang: “Girl, tigilan mo na ako!”

Kapag minamalas-malas ay masisira na naman ang credibility ni Cristine. Kasi nga, nagpapainterbyu na rin ngayon si Pauleen, at armado siya ng mga pruweba kung papaano talagang may mga nakararating sa kanya, na kung anu-anong masasamang salita galing kay Cristine.

Kaya nga bumuwelta na si Pauleen ng salitang: “Mali yatang sabihin niya na tigilan ko siya. Baligtarin natin. Ako ang tigilan niya!” Palaban na ang alaga ni Manay Lolit, kaya abangan na lang natin kung papaano matatameme si Cristine.

Kung pagkukumparahin ang mga mukha nina Cristine at Pauleen habang nagsasalita sila ng tungkol sa kanilang mga panig, mahahalata na si Cristine ang nagmamaladita at nagmamaangas. Samantalang si Pauleen, walang nagbago sa kanya, dahil cool na cool lang siya habang nagsasalita, pero diretso sa mga gusto niyang sabihin. Baka mayroon pang mabubulgar na mga gusot, na pinasimulan ng iba pang grupo ng Ampalaya Anonymous, dahil marunong mag-ingat si Pauleen sa mga pinakakawalan niyang salita, pero bumubuwelta na talaga siya ngayon sa mga kumakalaban sa kanya.

ISANG MALAPIT NA kaibigan ni Nora Aunor, at lagi niyang nakakausap, ang nagkumpirma sa akin na hindi naman daw totoong nagpakasal na ang Superstar sa dati niyang nakapareha sa pelikula na si Sajid Khan. Bigla na lang kasing kumalat ang usapan na nagpakasal na raw sila, kaya marami ang nagulat dahil napakabilis naman ng nasabing desisyon. Pero totoo raw na ngayong nasa ibang bansa ang mommy ni Ian de Leon, si Mr. Khan ang isa sa mga tumutulong sa premyadong aktres.

Maraming kilay siyempre ng mga taga-showbiz ang nagtaasan at nag-isip, kung papaano gagawa ng ganu’ng desisyon ang Superstar, samantalang lagi rin naman niyang kasama ang nali-link din sa kanyang si John Rendez, na paulit-ulit na ring sinabi ni Ate Guy na friend lang naman daw niya. Kaya napapabuntong-hininga na lang ang mga kaibigan niya sa tuwing ganu’n ang kanyang sinasabi. ‘Di ba naman, sobrang tagal na ng FRIENDSHIP nina Ate Guy at John Rendez?

Dahil friend naman talaga ni Ate Guy ang aking source, kaya nag-text ako para alamin kung matutuloy na ba ‘yung plano ng Superstar na bumalik sa Pilipinas sa July? Ang pinsan at dati ring nag-showbiz na si Maribel Aunor ang nagsabing baka umuwi raw sa July ang premyadong aktres. Kaya lang, ‘di na nag-reply ang friend ni Ate Guy sa tanong ko kung KAILAN ang uwi ng aktres. Ang dami talagang naghihintay at nasasabik sa kanyang pagbabalik sa ‘Pinas, kaya markahan natin, kung sa July ay makakauwi na talaga siya o hindi pa.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleMadaling-araw na, nasa kalye pa: Angel Locsin, nag-taxi pauwi!?
Next articlePinoy Parazzi Vol. III Issue #327: June 21-22, 2010

No posts to display