PATI MGA OFW, ‘DI LIGTAS SA PANGUNGURAKOT NG MGA HENERAL NG AFP

WALA NANG MAS masakit pa kundi ang malaman na kahit ang pera na para sa mga bagong bayani—sa mga OFW—ay kinukurakot din ng mga dating heneral ng AFP. Mabuti naman at ibinulgar nina Heidi Mendoza at Col. Rabusa ang mga anomalya sa Sandatahang Lakas na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso. Pero may nakawan na hindi gaanong napag-uusapan sa imbestigasyon sa Senado. At ito ay ang mga katiwalian na kinasasangkutan ni Gen. CIMATU na aktibo bilang special envoy natin sa Gitnang Silangan.

Ayon sa Migrante, si Cimatu ay tumanggap ng P80 milyon mula kay Carlos Garcia bilang “pabaon”. Ngunit liban pa rito, noong nakadestino si Cimatu sa Middle East, $253,500 ang inilaan ng gobyerno para i-evacuate ang Pinoy noong giyera sa Iraq. Hindi ito nakarating sa mga OFW at hindi nagamit sa pag-evacuate ng mga Pinoy. Saan ito napunta? Iyan din ang tanong ng Commission on Audit.

Matatandaan din na noong 2006, naglaban sa Lebanon ang Israel at ang mga Hezbollah. Marami ang nasawi at mga nasirang ari-arian. Dahil dito, naglaan ang OWWA ng P150 milyon para mailikas ang mga Pinoy sa Lebanon. Muli, si Gen. Cimatu ang humawak sa pera. Sa 6,000 OFW na nandoon, 1,000 lang ang nailikas niya samantalang ang International Organization for Migration ay nakapaglikas ng 4,000 OFW. Saan napunta ang malaking bahagi ng P150 milyon?

Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ng imbestigasyon sa Senado hinggil sa paggugol ng pondo ng OWWA. Tandaan natin, ang pera ng OWWA ay mula sa mga kontribusyon ng mga OFW.

At ‘eto na naman. Aktibo na naman si Cimatu sa evacuation ng mga Pinoy sa Egypt. Abangan kung saan n’ya gagastusin ang pera sa paglilikas ng mga Pinoy.

Gen. Cimatu: Maawa ka naman sa mga OFW. Patay na kami, pinapatay mo pa. – Ding mula sa UAE

HAYAAN MO’T IPAAABOT natin ang bagay na ito sa Blue Ribbon Committee ng Senado. Talagang napa-ka-swerte ng mga retiradong opisyales ng AFP. Milyun-milyon ang pabaon. Samantala, ang mga OFW, na biktima na ng mga recruiter at employer, ay binibiktima pa ng sariling pamahalaan nito. Kaya nga kung kukuwentahin, mas marami ang nagsu-suicide na OFW kaysa nagpapakamatay ng mga retiradong heneral.

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa:

PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.