Patay sa Ganti ng Kaaway Kelot, Ginilitan sa Leeg

PAGHIHIGANTI ANG dahilan ng maagang kamatayan ng isang lalaki makaraang saksakin ng kanyang matagal na panahong kaalitan sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Namatay habang dinadala sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktimang si Joel Filasol, may-asawa, at kasalukuyang naninirahan sa # 106 3rd Avenue, West Grace Park, Brgy. 44 ng nabanggit na lungsod.

Samantala, mabilis na tumakas ang suspek matapos isagawa ang pananaksak na nakilala sa pangalang Larry Guevarra, alyas “Larry”, tricycle driver, at kalugar ng biktima.

Base sa isinagawang pagsisiyasat ni PO3 Edgardo Ronquillo, ng Caloocan City Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) at may hawak ng kaso, bandang alas-7:30 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa harap ng gate ng isang bahay na katabi lamang ng bahay ng biktima.

Nabatid na nakatayo ang biktima sa nasabing lugar nang biglang dumating ang suspek na bangag sa ipinagbabawal na droga at armado ng patalim.

Kaagad na inundayan ng suspek ng saksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng leeg at pagkatapos ay mabilis na tumakas dala-dala ang ginamit na patalim.

Ang biktima ay mabilis na dinala ng kanyang mga kapit-bahay sa nasabing pagamutan subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga si Filasol.

Napag-alaman pa na ang biktima ay may atraso umano sa suspek at nang makakita ng magandang pagkakataon ang suspek ay isinagawa nito ang kanyang paghihiganti.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.