PASUC, NANAWAGAN KAY P-NOY SA BUDGET CUT

TINAWAGAN NG PANSIN ni Polytechnic University of the Philippines president na si Dante Guevarra si Pangulong Benigno Aquino na huwag ituloy ang planong pagtapyas sa pondo ng mga pampublikong unibersidad sa bansa upang hindi mapagkaitan ng edukasyon ang maraming naghihirap na estudyante.

Ayon kay Guevarra, itinalagang tagapagsalita ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), na makikiisa ang PUP na may pinakamalaking populasyon na 60,000 na mahihirap na mag-aaral sa gagawing sabayang kilos-protesta ngayong araw upang marinig ng pamahalaan ang kanilang panawagan.

Sa kabila nito, naniniwala umano sila na maiintindihan ni Pangulong Aquino ang kanilang pangangailangan, kahit na hindi ito nakaranas na mag-aral sa mga pampublikong paaralan, kung saan nakapagtapos ito sa mamahaling pribadong unibersidad ng Ateneo de Manila University.

Ipinaliwanag ni Guevarra na ang edukasyon sa mga pampublikong paaralan ang natitirang pag-asa ng mga magulang na magsasaka, driver, kasambahay at ordinaryong empleyado ng pamahalaan para makaahon sa hirap ang kanilang mga anak.

Kung babawasan umano ang kanilang budget, wala nang pag-asa para mapataas ang kanilang mga pasilidad at kagamitan para maging de-kalidad ang edukasyon ibinibigay nila sa mga mag-aaral.

Hindi rin umano solusyon ngayon ang pagtataas nila ng “tuition fee” dahil sa hindi kakayanin ito ng mga mahihirap na magulang na nag-e-enrol sa unibersidad. Idinagdag pa ni Guevarra na nagpanukala na sila noon ng P200 dagdag sa tuition fee ngunit matindi itong tinuligsa ng mga mag-aaral na naging dahilan pa ng pagsusunog ng mga upuan ng mga raliyista.

Sinabi naman ni Commission on Higher Education (CHED) executive director Atty. Julito Vitriolo na binigyan naman ng kalayaan ng Department of Budget and Mangement (DBM) ang state colleges and universities (SCUs) na gumawa ng kaukulang paraan para makalikom ng pondo upang mapunan ang kakaltasin sa kanila tulad ng pagpaparenta ng mga puwesto sa mga negosyante.

Sinabi pa nito na sa University of the Philippines (UP), napakalaki ng kinikita ng unibersidad sa mga “income generating programs” nito na aabot ng milyon-milyon sa pagpaparenta ng mga pasilidad at pagsingil ng malaki sa mga mag-aaral na halos katumbas na rin ng mga pribadong kolehiyo.

(GIGI CONVOCAR)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.