Pastor na Coordinator ng Party List, Inutas

DEAD ON arrival sa Gov. Roque Ablan, Sr. Memorial Hospital ang isang pastor ng Church of Christ at provincial coordinator ng 1st Kabagis party-list matapos barilin ng dalawang ‘di nakilalang salarin sa Brgy. 9, lungsod ng Laoag kahapon pasado alas-8:00 ng umaga.

Nakilala ang nasabing  biktima na si Pastor Macario Campañano, 40, may asawa at tubong Brgy. Tagipuro, Bangui, Ilocos Norte ngunit kasalukuyang nangungupahan sa isang apartment sa Brgy. 9 sa naturang lungsod.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng PNP Laoag, nangyari ang insidente habang nakikipag-usap ang biktima sa kapwa pastor mula sa Sta. Maria, Ilocos Sur at ng asawa nito nang bigla na lamang dumating ang dalawang salarin at binaril ang pastor.

Agad isinugod ang pastor sa pagamutan ngunit hindi na naisalba ang buhay ng biktima.

Nagtamo si Campañano ng tama ng bala mula sa kalibre .45 sa kanyang panga na dumiretso sa kanyang batok kung saan hindi lumabas ang tingga.

Nakarekober naman ang mga kinauukulan ng isang kapsula ng kalibre .45 sa pinangyarihan ng insidente.

Sinabi naman ng asawa ng biktima na si Mrs. Mina Campañano, wala silang alam na dahilan upang gawan ng masama ang kanyang asawa.

Samantala, inamin niya na sa mga nakaraang halalan ay may ilang pulitiko na nagpatulong sa kanyang asawa at isa sa kanila si dating Gov. Michael Marcos Keon ngunit sa ngayon ay sa party-list na lamang siya tumutulong.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.