Paslit, Nalunod sa Creek

ISANG 10-ANYOS na batang lalaki ang namatay makaraang tangayin ng agos ng tubig sa isang creek habang nangunguha ng kalakal kasama ang tatlo pang kaibigan sa isang subdivision sa Quezon City.

Lumalabas sa report ng Novaliches Police Station, nakilala ang nasawi na si Jancel Montaos, estudyante, ng Idang St., Sitio Arguandante, Brgy. Sta. Monica sa lungsod.

Sinabi ni SPO1 Randy Bantillo na masuwerte namang nailigtas ang mga kasamahan nitong naanod ng tubig na sina Jay-ar Montaos, 10; Rodel Tanilon, 12; habang patuloy ang search and rescue operation ng mga kinauukulan sa nawawala pang si Mark Angelo Lugtu, 13.

Ayon kay Bantillo, nangyari ang insidente sa creek na matatagpuan sa Jordan Plains Phase 3, Commonwealth Ext., Brgy. Pasong Putik, Novaliches, ganap na alas-3:15 ng hapon.

Sinasabing sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan ay nangunguha sa creek ng kalakal na maaaring pagkakitaan ang mga biktima, nang biglang tumaas ang tubig at matangay ang mga ito.

Sa lakas ng agos, hindi ito nakayanan ng mga biktima, kung saan sinubukan pang iligtas ang mga ito ng mga residente at pinahawak sa isang PVC pipe pero nakabitaw ang mga ito.

Samantala, napag-alaman naman ni Supt. Virgilio Fabian ang insidente at tumulong na rin sa rescue operation ang kanyang tropa at isang lubid ang inihagis at ipinahawak sa mga bata kung saan nailigtas sina Jay-ar at Rodel.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.