Pasay, ‘open city’ sa lahat ng iligal

BINATIKOS NG ILANG sektor ng gobyerno na kinabibilangan ng non government organization (NGOs), local government unit (LGUs), religious sector, at business sector ang lungsod ng Pasay dahil sa umano’y pagiging bukas sa lahat na mga iligalistang mamumuhunan ang nasabing siyudad.

Ayon sa grupo, mistulang ‘open city’ ang naturang lungsod sa lahat na mga gambling lords at drug lords, dahil pati kalapit na siyudad nito ay lumilipat na rin sa Pasay tulad ng Malabon, Maynila, at maging ang sa lalawigan ng Cavite.

Ang Malabon umano ang namumuhunan sa iligal na pasugalan, gaya ng bookies at saklang patay, ganu’n din ang Maynila, habang ang Cavite naman umano ang siyang nagsusuplay ng iligal na droga.

Mariin ding inireklamo ang umano’y naglutangang iligal na terminal ng bus at shuttle sa Buendia na may biyaheng Cavite at mga kulorom na pampasaherong jeep.

Dahil dito, lumalabas umanong inutil ang pamunuan ni Pasay City Mayor Antonino Calixto, dahil sa kawalan ng aksiyon at mistulang bulag at bingi sa tunay na nagaganap sa lungsod.

Hindi rin umano nila malaman kung Malabon, Maynila o Cavite na nga ba ang Pasay City, dahil ultimo umanong mga empleyadong kinukuha rito karamihan ay taga-Cavite.

Isa rin umano ito sa ikinalilito ng mga taxpayers sa tuwing tumutungo sa city hall, dahil hindi nila malaman kung kanino sila maaaring tumungo para makipagtransaksiyon na kung saan nagmumukhang walang mga alam sa kanilang trabaho ang mga empleyadong nakatalaga sa isang tanggapan.

Idinagdag pa ng mga ito, na nakakalula rin ang daming empleyado sa loob ng city hall sa lahat ng mga tanggapan sa kabila ng wala namang ginagawa ang mga ito kundi nakatunganga lamang, subalit pinapasahod ng taumbayan. (Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.