Pasaway na Kelot, Kritikal sa Naasar na Tanod

NASA KRITIKAL na kalagayan sa ospital ang isang pasaway na lalaki at may outstanding warrant of arrest makaraang barilin ng dalawang ulit sa leeg ng isang barangay tanod na naasar sa ginawang paninita ng una sa suspek sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PO2 Romel Bautista, ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan PNP ang biktima na si Richard Ocba, 28, ng Block 92, Lot 4, Kawal Purok 5, Dagat-Dagatan ng nabanggit na lungsod.

Kaagad namang naaresto sa isinagawang follow-up operation ng mga elemento ng nasabing himpilan ng pulisya ang suspek na nakilalang si Arturo Palicutan, 51, isang barangay tanod at kalugar ng biktima.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Bautista, dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang pamamaril hindi kalayuan sa bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Nabatid na lasing umanong nilapitan ng biktima ang barangay tanod at kaagad na sinita sa pagsasabing “miyembro ka ng akyat-bahay” dahilan upang maasar ang huli.

Dahil sa pagkainis ng suspek ay kaagad na binunot nito mula sa kanyang baywang ang kanyang kalibre .38 baril at agad na pinaputukan ng dalawang beses si Ocba na tinamaan sa leeg.

Dito ay duguang humandusay sa lupa ang biktima na agad namang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) kung saan ito ngayon ay nakaratay.

Ang suspek na si Palicutan ay kaagad na naaresto ng mga pulis na nagsagawa ng follow-up operation sa lugar ng pinangyarihan ng insidente.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.