Pasaway na Hepe ng Tanod, Suspendido

ANIMNAPUNG ARAW (60) sinuspinde ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang isang appointed na hepe ng barangay tanod ng Brgy. Salangan, San Miguel, Bulacan.

Sa report na natanggap ng mga kagawad ng Sangguniang Barangay, nagpalabas ng kautusan si Benjie Lastrollo ng DILG-San Miguel na pinapatawan ng 60-araw na suspensiyon sa trabaho bilang hepe ng tanod si Martin Velasquez.

Nabatid na nag-ugat ang pagkakasuspinde kay Velasquez nang murahin at duruin nito si Kagawad Margie Domingo sa loob mismo ng barangay hall, dahil lamang umano sa tsismis na inerereklamo ito ng kanyang mga kabarangay dahil sa madalas nitong pagmumura sa mga humihingi ng tulong sa kanilang barangay hall.

Ayon kay Kagawad Werlito Mangaluz, sa kabila aniya ng 60-araw na suspension order na inilabas ng DILG laban kay Velasquez, hindi pa man natatapos ang isang buwan mula nang ilabas ang kautusan, agad itong ibinalik sa trabaho ni Brgy. Chairman Romulo Alvarez nang hindi man lamang isinangguni sa kanyang mga kasamahan sa konseho, bagay na ikinagalit ng anim na kagawad at SK Chairman.

Sinabi nina Kag. Jun Rivera, Rene Branda, Flor Rivera at SK Chairman Alvarez, malinaw na paglabag sa kautusan ng DILG ang ginawa ng kanilang kapitan.

Bunsod nito, nagpatawag at nagsagawa ng special session ang majority ng mga kagawad, subalit hindi umano dumalo ang kanilang kapitan, na naging dahilan upang pagtibayin ang isang resolusyon na muling ipasuspinde ang anila’y bastos at abusadong hepe ng tanod sa kanilang barangay.

Kaugnay nito, nakatakdang magsumite ng panibagong reklamo ang mga kagawad ng Brgy. Salangan sa panlalawigang tanggapan ng DILG.

(TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.