Pasahero, Kritikal sa Holdapan sa Bus

NAKALUSOT NA naman sa mga awtoridad ng Pasay City ang mga kilabot na holdaper ng bus makaraang isa na namang pampasaherong bus ang sinalakay ng mga ito, kamakailan ng madaling-araw.

Kritikal sa San Juan de Dios Hospital makaraang barilin sa sikmura nang tumangging iabot ang kanyang mga gamit ang isang pasahero ng bus na nakilalang si Zenaida Lahoy, 57, ng Cupang, Antipolo City.

Walang nagawa ang ibang mga biktima sa nangyaring holdap kundi ireport na lamang sa mga kinauukulan ang nasabing insidente.

Lumalabas sa report ng Pasay Police-Station Investigation and Detective Management Section, dakong alas-4:45 ng madaling-araw nang maganap ang panghoholdap sa mga pasaherong sakay ng Precious Grace Transport bus na may biyaheng Bulacan-EDSA-NAIA.

Sinabi ng driver ng bus na si Edwin Lazoro, 41, nagdeklara ng holdap ang apat na salarin na nagpanggap na pasahero pagsapit nila sa may kanto ng Evangelista St. at EDSA, Makati City.

Pumalag naman ang pasaherong si Lahoy kaya ito binaril ng isa sa mga holdaper.

Bumaba ang mga holdaper pagsapit sa EDSA kanto ng E. Rodriguez St., sa Malibay, Pasay kung saan malayang nakatakas ang mga ito.

Samantala, nabatid na sumakay umano ang mga suspek sa may Guadalupe, Makati City.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.