Parazzi Chikka: Marian and Dingdong admit they love each other

SA IPINAKITA NINA Dingdong Dantes at Marian Rivera sa SOP nu’ng nakaraang Linggo, hindi na siguro kailangang tanungin pa kung sila na ba.
Emosyonal sila sa farewell number ng buong cast ng Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang dahil magtatapos na ngayong linggo ang naturang Telebabad.

Ito na bale ang huling project na pinagsamahan nila dahil iba na ang makaka-partner ni Marian sa Darna at si Dingdong naman ay ila-love team naman sa iba. Hindi kaya si Carla Abellana na sa Rosalinda?
Anyway, nu’ng Linggo, marami ang nagulat sa pagtulo ng luha ni Dingdong habang kinakanta nila ni Marian ang awiting Parting Time.

Nagsuot na lang ito ng shades para matakpan ang pag-iyak nito.

Pagkatapos ng production number na iyon, naiiyak na rin si Marian na nagsalitang sobrang nalungkot siya sa pagtatapos ng Tadyang dahil sobrang mami-miss daw nito ang pinagsamahan nila ni Dingdong mula pa sa Marimar, hanggang sa Dyesebel at itong pinakahuli, Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang.

Nagtilian ang mga fans nang sinabi ni Marian kay Dingdong na mahal niya ito. Sinagot naman ni Dingdong ng isang mainit na halik sa labi ni Marian.

Nakapanayam namin ang dalawa pagkatapos ng madamdaming tagpong iyon at sinabi naman ni Dingdong na kahit hindi na niya sabihin, ipinapakita naman nito kung gaano niya kamahal ang dalaga.

Naiyak daw siya habang kumakanta sila sa SOP dahil bumabalik daw sa alaala niya ang mga magagandang moments na pinagsamahan nila ni Marian. “It’s more of reminiscing sa mga magagandang pangyayari na pinagsamahan namin sa taping,” pahayag ng aktor.

Nangako naman ito kay Marian na magkikita at magsasama pa rin naman daw sila kung may time silang gumimik kapag walang trabaho.

Nangako naman si Marian na wala naman daw siyang ibang lalaking sasamahan kundi si Dingdong lang. Hindi na nga raw siya tumatanggap ng ligaw at obvious naman ang dahilan.

“Hindi ko alam kung paano ako kung wala siya, eh. Nasanay ako na two years kaming dalawa lang ang magkasama sa trabaho,” pahayag ni Marian.

Si Dingdong ang unang tinawagan ni Marian na sa kanya na nga ibinigay ng GMA 7 ang Darna at tuwang-tuwa naman ang aktor.

Suportado raw niya itong bagong proyekto ni Marian na kahit siya pa nga raw ang maghahatak ng harness nito ay gagawin niya.

Nang diretsahang tinanong namin kung sila na nga ba, hindi naman pa rin nila masagot nang diretso na sila na nga,
Darating naman daw ang araw na sasabihin nila kung ano talaga ang namagitan sa kanilang dalawa at hindi naman daw nila ito itatago sa fans.

Sa mga ipinapakita ng dalawa, hindi na nga nila itinatago ang nararamdaman nila sa isa’t-isa.

Parazzi Chikka
by Gorgy Rula
PHOTOS COURTESY OF GORGY’S PARK

Previous articleStars Candid: Sexbomb Dancers with Chuckie!
Next articleVice Ganda, regrets not joining BFF cast

No posts to display