Parak, Patay sa Boga ng Parak na Misis

PATAY ANG isang pulis matapos tamaan ng bala nang pumutok ang baril na kanilang pinag-aagawan ng misis niyang isa ring parak makaraan ang pagtatalo sa loob mg kanilang tahanan sa Quezon City kamakailan.

Sinabi ni PO3 Erickson Isidro, may hawak ng kaso na nakilala ang biktima na si PO1 George Verbo, 37,   na nakatalaga sa Quezon City Police Fairview Station.

Sa ngayon, nasa kustodiya na nila ang asawa nitong pulis na si PO1 Gemalyn Verbo, 34, na nakatalaga rin sa naturang istasyon ng pulisya.

Nabatid ni Isidro na si George ay nasuspinde sa kanyang serbisyo sa loob ng tatlong buwan dahil sa kasong robbery/extortion laban sa kanya.

Ang biktima ay namatay makaraan ang pagtatalo nila ng misis na nangyari ganap na alas-2:45 ng madaling-araw sa kanilang bahay na matatagpuan sa Sampaguita Road Extension, Brgy. Payatas A, Quezon City.

Sinasabing 10 taon nang kasal ang biktima sa kanyang misis na tinamaan ng bala sa sikmura at nag­lagos sa likod.

Nagawa pang maitakbo sa General Malvar Hospital pero idineklara rin itong dead-on-arrival.

Nabatid na simula uma­nong masuspinde sa trabaho ang biktima ay madalas na itong uminom ng alak sa kabila ng paulit-ulit na pinagsasabihan ito ng misis.

Nakita muli ito ni Gema­lyn at kinompronta ang mister kaugnay ng pag-inom nito na nagresulta sa mainitang pagtatalo.

Sa pagtatalo ay tinangka ng lasing na si George na kunin ang 9mm caliber Glock 17 service firearm ni Gemalyn na nasa handbag pero nagawang mailayo ito ng huli.

Sa puntong ito, nagpasya ang misis na luma­bas ng kanilang bahay at mag­punta sa harap ng ka­nilang tindahan. Pero sinundan siya ng biktima at sinimulan umanong saktan.

Sinabi ng helper nilang si Evangeline Coma na tinangka niyang awatin ang pag-a­away ng dalawa pero maging siya ay sinuntok ni George sa mukha.

Sa nasabing insidente, nagawang mailabas ng biktima ang baril mula sa bag ng kanyang misis dahilan para makipagpambuno ang huli sa una para makuha muli ang baril.

Samantala, sa ginawang pag-aagawan ng dalawa, biglang pumutok ang baril at tinamaan si George na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.