Parak na sumira sa Vizconde case evidence, bulukin sa kulungan

MASYADO NAMANG KILL-JOY ang DSWD kung pagbabawalan ang mga batang nangangaroling.

Sa ganitong panahon lamang ng Kapaskuhan nagagawa ng mga bata ang makaamot ng konting barya, pagbabawalan n’yo pa.

Okey lang naman kung sa mga bahay-bahay o sa mga sari-sari store gagawin ang caroling.

Ang dapat pagbawalan talaga ay ang mga nangangaroling sa mga highway, dahil talagang delikado para sa mga bata at sa mismong mga motorist.

AT ANG ISA pang pagbabawalang mangaroling ay ang mga matatanda, maliban na lamang kung choir group.

Iyong mga araw-araw namamalimos na mas malakas pa sa kalabaw ay ginagamit na palusot ang paparating na Pasko para ang dating ginagawang pangmomolestiya ay magmukhang caroling.

Kung bakit naman kasi maraming kalalakihan at kababaihan ang mas gustong lumahad kaysa magbanat ng buto.

Mga batugan, inaasa palagi ang kapalaran sa bulsa ng ibang tao!

KUNG MAYROON MANG dapat makulong nang mas matindi pa sa habambuhay ay ang parak na si Gerardo Biong.

Habang isinusulat natin ito, lalaya na siya matapos ang halos 15 years na pagkakulong dahil sa pagsira ng ebidensiya sa Vizconde massacre.

Hindi dapat tumigil ang DOJ sa simpleng ignorance kaya ginawa ni Biong na wasakin ang mga ebidensiyang posibleng nakapag-acquit sa mga akusado or nakapagpakulong sa iba pang may kinalaman sa krimen.

Dapat ding alamin ang kanyang motibo at kung sino ang nag-utos sa kanya na gawin iyon.

Elementary para sa mga parak na ingatan ang ebidensiya kaya imposibleng walang motibo si Biong para gawin iyon.

Masyadong maigsi ang 15 years para sa isang awtoridad na nagtanga-tangahan.

Nagkakairingan pala ang dalawang kongresista ng Caloocan City na sina District 1 Rep. Oscar Malapitan at si District 2 Rep. Mitch Cajayon dahil sa isyu ng redistricting ng lungsod.

Ayaw ni Malapitan na matapyasan ang kanyang distrito dahil ang maibabawas ay maidadag naman sa distrito ni Mitch at sa mga malilikhang bagong congressional districts.

Sa isang banda, sobrang hinog na ang Caloocan para sa mga bagong distrito kaya walang dapat pagdebatehan.

Katunayan, ang isang barangay lamang sa Bagong Silang na nasa bukid area ay mahigit kalahating milyon na ang residente. Mas malaki pa sa kathang-isip na distrito ni Dato Arroyo sa Camarines na halos 170,000 lamang ang populasyon.

Maraming lugar sa Caloocan ang pagkakamalan mong kabundukan pa at hindi pa naabot ng serbisyo ng gobyerno dahil nga sobrang laki.

Wala tayong nakikitang masamang motibo sa panukalang ito ni Cajayon, lalo na’t kung ang agenda ay mapalawak ang serbisyo sa pamamagitan ng karagdagang congressional districts.

KAPAG NAIPATUPAD NG MMDA ang Transjakarta bus system, malamang ay mareresolba na ang matinding problema sa trapiko sa Edsa.

Sa ngayon, yellow lane lamang ang naghihiwalay sa pribadong sasakyan at bus sa Edsa kaya kahit anong oras ay puwedeng magwalanghiya ang mga drivers.

Sa Transjakarta system sa Indonesia, magkakaroon ng concre separator ang bus lane sa bandang kanan.

Ang magiging problema naman, paano ang mga private vehicles na ang pakay ay kalsada sa right lanes?

Kailangang mabigyan ng bagong daan pakanan ang mga pribadong sasakyan bago ipatupad ang Transjakarta system dahil kapag nagkataon, mas malaki ang magiging problema sa Edsa.

allanpunglo@yahoo.com

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.