Parak na Napatay sa Duty, Pinarangalan ng NCRPO at QCPD

BINIGYAN NG posthumous award ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) ang pulis na napatay habang nagsasagawa ng operasyon laban sa mga adik sa Quezon City noong isang linggo.

Personal na iniabot ni NCRPO Chief Leonardo Espina at QCPD Director Richard Albano ang medalya ng kagalingan sa pamilya ng nasawing si PO1 Renato Tabago sa burol nito sa Tondo, Maynila.

Kasunod ito ng kanyang ipinakitang katapangan sa pagganap ng tungkulin.

Umiiyak namang tinanggap ni Gng. Leony ang parangal para sa anak at hiniling sa dalawang opisyal na bigyang katarungan ang nasawing si PO1 Tabago.

Isa si Tabago sa tatlong pulis na magsisilbi sana ng arrest warrant laban sa akusadong si John Lee Villaroel Gabriel alyas ‘Junlee’ sa Freedom Park sa Batasan Hills, Quezon City.

Ngunit inunahan ito ng saksak at inagaw ang kalibre 45 baril na siya pang ginamit ng salarin para barilin ang pulis sa ulo saka tumakas tangay ang ginamit na baril.

Samantala, inihatid na sa huling hantungan si Tabago kahapon ng umaga sa Manila North Cemetery.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.