Parak na nanutok ng baril sa 2 taxi driver, kulong

DINAKIP NG KANYANG mga kabaro ang isang pulis matapos itong ireklamo ng dalawang taxi driver ng panunutok ng baril habang ang una ay lango sa alak kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Nakapiit sa detention cell ng Malabon Police na nahaharap sa kasong Grave Threat ang suspek na si P02 Rowel Enacillo 39, may-asawa, nakatalaga sa Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) sa Camp Crame at residente ng 1PC2, Sterling 2, Brgy. Deparo, Caloocan City.

Samantala, ang mga biktimang nagtungo sa himpilan ng pulisya upang pormal na magsampa ng kaso laban sa suspek ay sina Julius Ibañez 36, binata ng No. 39 E2, Dagat-dagatan, Longos, Malabon; at Ronel Dolendo 39, may-asawa ng No. 58 Guadalupe St., Morning Breeze, Brgy. 83, Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Maya-maya St., Dagat-dagatan Ave., Longos, Malabon City.

Lasing sa alak ang suspek at nilapitan nito si Ibañez na nasa loob ng taxi (UVA-570) at tinutukan ng dalang baril dahilan upang mabilis na lumabas at tumakbo ang biktima dahil sa sobrang takot.

Nang makita naman ng suspek si Dolendo na natutulog sa loob ng taxi nito (TXZ-541) ay nilapitan din ng lasing na parak at tinutukan ng baril sabay pinagbantaang papatayin.

Dahil sa takot, mabilis na nagtakbuhan ang mga biktima at humingi ng tulong sa mga nagpapatrolyang pulis dahilan upang maaresto ang lasing na parak.        (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.