Para sa konstruksiyon ng UCC
P1.4-B Loan ng Caloocan city gov’t sa Landbank, nawawala?!

HINAHANAP NG mga concerned citizen, partikular ang mga magulang ng mga mag-aaral, ang halagang P1.4 bilyon na inilabas ng Land Bank of the Philippines para ilaan sa pagpapatayo ng bagong unibersidad sa Caloocan City na umano ay parang bulang naglaho.

Ayon sa mga nabanggit at ilang insider ng Caloocan City Hall sa Pinoy Parazzi, umutang umano ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan City sa nasabing bangko ng halagag P1.4 bilyon para sa bagong itatayong University of Caloocan City (UCC) na may apat na palapag.

Napag-alamang gusto umanong ilipat ng nabanggit na lokal na pamahalaan ang nasabing unibersidad sa Maria Clara St., sa 7th Ave., Grace Park, Caloocan City mula sa kasalukuyang kinatatayuan nito sa kahabaan ng Samson Road noon pang nakalipas na taon.

Nabatid mula sa mga source na labis-labis umano ang kanilang ipinagtataka dahil magmula nang ipinalabas ng Land Bank of the Philippines ang naturang halaga noong kalagitnaan ng nakalipas na taon, magpasahanggang sa ngayon ay wala pang nakikitang tumpok ng buhagin at graba sa lugar ng pagtatayuan ng nasabing paaralan.

Wika pa ng mga source, wala pa rin umanong isinasagawang ground-breaking sa lugar na pagtatayuan ng nasabing paaralan, gayong hawak na umano ng nasabing lokal na pamahalaan ang inutang na pera sa naturang bangko.

Sa nagkakaisang pahayag ng mga konsernadong residente at mga magulang ng mga mag-aaral, nagtatanong ang mga ito kung bakit ngayong taon lamang umano naisip ng lokal na pamahalaan ang magpatayo ng magandang unibersidad para sa mga taga-lungsod gayong matatapos na ang termino ng kasalukuyang nakaupong alkalde.

Idinagdag pa ng mga source, hindi nila alam kung saan na napunta ang inutang na malaking halaga sa nasabing bangko, pero malaki umano ang kanilang sapantaha na ang inutang na pera ay malamang na gamitin u-mano sa darating na eleksiyon sa taong kasalukuyan.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.