Para mapag-usapan? Angel Locsin, inamin na si Phil Younghusband!

KATULAD NG ISANG mahabang teleserye, natapos na rin ang matagal na pagpapaliguy-ligoy nina Angel Locsin at Phil Younghusband tungkol sa kanilang relasyon. ‘Di kasi nga, magkasabay na silang nagbigay ng pahayag na pareho silang sobrang in love sa isa’t isa. Pero kung dati-rati’y magulong kausap ang magandang aktres kapag pinaaamin siya tungkol sa kanilang closeness, mas masarap pakinggan na diretso nang nagsalita si Phil, kung gaano niya kamahal ang ex-girlfriend ni Luis Manzano.

Mahirap naman kasi talaga ang nagtatago. Wala naman kasing naniniwala sa kanilang dalawa dati na friends pa lang sila. Kasi nga, closeness pa lang ang sitwasyon nilang dalawa, pero hindi na sila nagkakahiwalay, at ang mga ikinikilos nilang pareho ay mga kilos ng dalawang taong nagmamahalan. Hindi na sila mga bagets, kaya marami rin ang nawalan ng gana sa kanilang dalawa dahil ang tagal-tagal ng pagdedenay nila, biglaan din naman palang aamin na nasa higher level na ang kanilang relasyon.

Big star na si Angel, pero dapat din siyang kabahan na baka mameligro na ang kanyang movie career ngayong puro tungkol na sa pakikipagrelasyon ang napag-uusapan tungkol sa kanya. Ang dating kasi niyan sa kanyang mga tagahanga ay pagpapakasal na ang susunod na kabanata. Marami pa rin naman siyang mga endorsements, pero hindi na siya ngayon nagkakaroon ng matitinding proyekto sa telebisyon at pelikula.

MAKINIS ANG KUTIS at blooming ang byuti ni Sarah Geronimo nang humarap siya sa mga manunulat sa ginanap na grand presscon ng pelikulang Won’t Last A Day Witout You ng Star Cinema at Viva Films. Kuwentuhan nga ng mga dumalong press ay marunong na talagang mag-ayos ng kanyang sarili ang Pop Princess, kaya nagbabago na ang kanyang hitsura. Kuwentuhan din na baka mayroon nang bagong manliligaw na nagpapasaya sa singer-actress.

Nu’ng mag-last question na, hudyat ng pagtatapos ng presscon ay huling ibinato kay Sarah ang tungkol sa tipo ng lalaki na gusto niyang makatuluyan. Mahaba at madrama ang paliwanag ni Sarah. Wika niya ay gusto niya ‘yung lalaki na ipaglalaban din siya, at ang kanilang pagmamahalan sa mga taong puwedeng humadlang. Pagkatapos niyang sumagot ay bigla siyang natahimik habang si Gerald naman ang sumasagot. Nang mapansin namin si Sarah, biglang naging malungkot at may pinipigil na namumuong luha. Napansin din iyon ng kasama sa panulat na si Kuya Joe Cesar, at itsinika ko rin sa kalapit namin sa upuang si Alex Brosas.

Nakatanggap din si Sarah ng nang-iintrigang tanong kung ano raw ang kanyang mararamdaman kung ang pinakanta ng theme song ng movie nila ni Gerald ay si Angeline Quinto? “Kung iyon ang mangyayari, wala namang problema. Huwag na lang sanang lagyan ng intriga. Puwedeng si Angeline ang kumanta ng theme song, at aktres na lang ako,” malumanay na sabi ng anak ni Mommy Divine Geronimo.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleSam Milby, tuloy na sa kanyang hollywood dream!
Next articleSa issue ng DNA testing sa isisilang ni Andi Eigenmann “No way, DNA my ass!” – Mark Gil

No posts to display