Para lumabas ang katotohanan
Napoles, mag-state witness – Miriam

MATAPOS NA mag-invoke ng kanyang karapatan sa mga pagtatanong sa isinagawang pagdinig kahapon, inalok ni Sen. Miriam Defensor-Santiago si Janet Lim-Napoles na maging state witness.

Ito ay kasabay ng paggisa ng senadora kay Napoles sa kanyang pagharap bilang testigo sa Senado.

Naniniwala kasi ang mambabatas na may Itinatago ang nasabing akusado sa kanyang mga nalalaman sa PDAF scam.

“Kapag laging ang sagot mo ay “I invoke my right” pinaLalabas mo sa taumbayan na may tinatago ka,” ayon kay Santiago.

Una rito, pinagbigyan ng kapwa mambabatas si Santiago na maunang magtanong kay Napoles dahil sa hindi magandang pakiramdam nito.

Sa kabilang dako, posible umanong maharap sa 40-taong pagkakakulong si Napoles kapag napatunayan itong guilty sa kinakaharap na mga kaso hinggil sa kontrobersiyal na P10-bilyong pork barrel scam.

Sa pagtatanong ng senadora, hinimok nito ang negosyante na makipagtulungan sa ginagawang pagsisiyasat ng Senado para lumabas ang katotohanan at madiin ang “most guilty” sa kaso.

“Kapag nakulong ka, paglabas mo, kasing tanda mo na si “Tanda”, ani Santiago.

Matatandaan na ang alyas na “Tanda” ay tumutukoy umano sa isang senador na sangkot din sa naturang anomalya. Makailang beses ding tinanong ni Santiago kay Napoles kung si Sen. Juan Ponce Enrile ang pinatutungkulan ng alyas.

Samantala nang humarap si Sen. Santiago sa media sa isang press conference matapos ang paggisa niya kay Napoles, diretsahang niyang inakusahan sa Sen. Enrile bilang utak sa pork barrel scam.

“Si Enrile… siya ang Senate President nu’n, eh.” Sagot ni Santiago nang tanungin kung sino sa palagay niya ang utak sa scam.

Maliban naman kay Enrile, sangkot din sa kasong plunder kaugnay sa iskandalo sina Sen. Bong Revilla at Jinggoy Estrada.

Samantala, pinaalalahanan din ni Santiago ang respondent na hindi nito maaring igiit sa lahat ng pagkakataon ang kanyang karapatan “against self-incrimination”.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.