Paolo Contis, kinumpirmang 5-buwan nang buntis ulit si Lian Paz

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

AYOKO NAMANG PANGUNAHAN ang alaga kong si Paolo Contis kaya hinintay ko na lang na aminin nito ang pagbubuntis muli ni Lian Paz.

Nagpa-interview na ito sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado para kumpirmahing magli-limang buwang buntis na si Lian at ayon sa kanilang huling check-up, nakita na raw nila sa ultrasound na baby girl na naman ang dinadala nito.

Siyempre gusto sana ni Paolo na baby boy ang pangalawang baby nila, pero happy naman sila na baby girl uli ito para may kalaro na raw ang panganay nilang si Xonia Aitana.

Ang tantiya nga ng OB-Gyne ni Lian, sa March next year ang due nito kaya baka maka-birthday raw nito ang panganay nilang si Xonia.

Nakaloloka dahil mag-iisang taon pa lang ang panganay nila, meron na kaagad kasunod.

Itinuturing nina Paolo at Lian na blessing ito dahil gusto naman nila na halos magkasunod na ang kanilang mga anak. Pero siyempre hindi naman ganu’n kalapit, kaya lang naniniwala raw silang bigay na ito ng Diyos sa kanila kaya tanggap na tanggap nila ito.

Meron nang naisip sina Paolo na ipangalan sa pangalawang baby girl nila. Ipapangalan daw nila ay Xalene Abriana at meron na nga silang listahan ng mga kukuning ninong at ninang.

Ang nasabihan pa lang daw nila ay sina Marian Rivera at Mark Herras. Bongga, magkumpare na ang dating mag-syota! Pero siyempre, pareho silang malapit kina Paolo at Lian kaya tiyak na type na type naman nila ito.

Sana totoo na nga itong sinabi sa akin ni Paolo na meron na silang ipinapatayong bahay sa may bandang Pasig, at balak nilang pagkapanganak ni Lian sa susunod na taon ay nasa bagong bahay na nila ito.

Nakikita ko ngang ang laki nang ipinagbago nitong alaga kong si Paolo. Aminado naman siyang malaki talaga dahil ang dating madalas nitong pagigimik ay wala na talaga ngayon. Pagkatapos kasi ng trabaho, diretso na siya ng bahay para alagaan ang anak niya.

Tingin nga raw niya, kayang-kaya na niyang alagaan ang dalawa niyang anak.

SA EUROPE NGA ang balak na honeymoon nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez pagkatapos nilang magpakasal sa Punta Fuego, Batangas sa December 22.

Ang gusto raw sana ni Regine, sa beach ang honeymoon nila, pero nakumbinsi na raw ito ni Ogie na mag-Europe na sila.

Ang type talaga ni Ogie sa Positano, Italy dahil sa sobrang ganda raw nito kaya gusto niyang makasama niya roon ang pinakamamahal niyang magiging asawa.

Hindi pa nila masasabi kung kailan ang alis nila, dahil sa ngayon ay abala muna sila sa pag-aasikaso sa kanilang nalalapit na kasal.

Exclusive pala ito sa GMA-7 ang kasal nina Ogie at Regine na mapapanood sa December 26. Bukod pa riyan, marami rin ang nagbigay ng sponsorship kaya naging madali ito para sa kanila.

Ang tinitiyak lang nila na magiging solemn ito dahil pawang malalapit na kaibigan at pamilya ang kanilang imbitado.

Ngayon pa lang ay humihingi na nga ng paumanhin si Ogie sa ibang mga kaibigan nila na hindi maiimbitahan.

“Inuulit ko du’n sa mga hindi namin maimbitahan, I hope you understand. We’re trying to keep the wedding as limited as intimate as posible. Hindi po nangangahulugang hindi namin kayo naiisip. Napakalimitado lang talaga ‘yung espasyo but never the less, we appreciate everybody’s support of our union.

“We received many well wishers from so many parts of the world and it’s gratifying indeed a blessing. Pero wala eh, talagang limitado lang ang p’wede naming maimbita,” pahayag ni Ogie.

loading...

2 thoughts on “Paolo Contis, kinumpirmang 5-buwan nang buntis ulit si Lian Paz

Leave a Reply

Your email address will not be published.