‘Panlalait’ ng Immigration officers, ireport

SA HARAP ng usapin ng matinding pagsala sa mga bibiyahe sa ibang bansa para maiwasang mabiktima ng human trafficking, nanawagan ang Bureau of Immigration (BI) sa mga bumibiyaheng publiko na huwag mag-atubiling ireport sa kanila ang mga insidente ng ‘panlalait’ o pamamahiya ng kanilang mga personnel sa mga paliparan.

Inihayag ni Immigration Commissioner, Atty. Siegried Mison na bagama’t tinutupad lamang ng mga Immigration officer (IO) ang kanilang mga tungkulin, hindi ito sapat na dahilan para umabot sa hindi kaaya-ayang sitwasyon.

Ukol sa kapangyarihang makapagpa-offload ng pasahero o hindi payagang makabiyahe ang isang pasahero, mahirap aniyang sabihing “pure judgment call” lamang ito ng isang Immigration personnel ngunit tiyak na alinsunod ito sa guidelines na binalangkas ng pamahalaan.

Kadalasang magkatuwang sa pagsasala ang isang Immigrations officer at supervisor nito, isang kinatawan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na posibleng mula sa DOJ o NBI na siyang tutukoy na posible o aktwal na biktima ng trafficking ang isang pasahero.

Sakaling ma-offload ang isang pasahero, inihayag ni Mismon na aasikasuhin naman ito at posibleng i-refer sa DSWD para sa counseling, sa DOJ para kunan ng affidavit o sa mga NGO na maaaring magbigay ng temporary shelters dito.

Tungkol naman sa posibleng danyos ng offloading, aniya na may arrangement sa refund ng terminal fee.

Ngunit sa tiket, sinabi ni Mison na wala silang kapangyarihan sa airlines.

Pero nagbigay na aniya sila ng panukala sa DOTC na siyang makipagtulungan sa posibilidad na refund o rebooking dahil hindi naman ito kasalanan ng pasahero.

Sakali ring ma-offload at nais nitong magpaliwanag at dumipensa, pwede itong magpunta sa Commissioner’s Office sa Intramuros para iprisinta ang kanyang argumento at mga katibayan.

Nang pumutok ang report sa offloading, kumalat sa social media ang sentimiyento ng ilang pasahero ukol sa umano’y hindi kanais-nais nilang karanasan sa pagsala ng mga IO.

Ilan sa mga ito ang nagsasabing napapahiya at nalalait sila sa pagtatanong ng mga personnel at tila pagkastigo ng mga ito sa kanilang personal na buhay.

Ayon kay Mison, ang mga ganitong insidente ng ‘panlalait’ ang “pinaka-ayaw” ng BI.

Sakop din aniya ng training ng isang personnel ang “angry management” na naghahanda sa kanilang tumanggap ng anumang reaksyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Dapat lamang aniyang magpokus ang proseso ng inspeksyon o panayam ng mga ito sa “anti-trafficking efforts”.

Hiling pa ni Mison na kung alam nila kung sinong Immigration personnel ang nanlait sa kanila, itawag o ilapit lamang ito sa bureau.

Maaari aniyang ipagbigay-alam ang mga hinaing at reklamo sa 24/7 hotline ng Bureau of Immigration sa numerong (02) 465-24-00.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.