Panibagong Protesta, Ibinabala ng Netizens

HINDI IMPOSIBLENG maulit muli ang kilos-protesta gaya ng idinaos na “A Million People’s March” sa Luneta kamakailan.

Ayon kay Peachy Rallonza-Bretaña, coordinator ng “Million People March”, puwedeng maulit muli ang malakihang rally dahil sa ginagawa ng pamahalaan na pagtrato kay Janet-Lim Napoles.

“Kapag nagpatuloy ang mga pangyayari, sa pagtingin ng mga tao ay kaduda-duda pa rin o pagloloko na ito sa mga tao e kayang maulit, baka mas malaki pa.”

“Hindi ko masasabi pero handa ang mga tao na gawin ang lahat para maipakita sa mga kinauukulan na may boses kami, magtitipon ulit kami at ipapakita sa inyo kapag ganyan pa rin ang pagtrato nyo sa amin,” ani Bretaña.

Sa darating na Setyembre 11, magsasagawa na naman ng kilos-protesta sa EDSA Shrine laban sa pork barrel na isinulong sa social media.

Ngunit, inihayag ni Bretaña na hindi siya makapupunta sa nasabing protesta dahil may pasok siya at wala rin siyang ideya kung sino ang nasa likod nito.

Meron naman aniya siyang nababasa gaya ng mga suhestyon ng mga netizen sa social media partikular na sa Facebook page ng “100 Days Countdown to Justice” at “A Million People March”.

Base sa huling post kamakailan, sinabi na sa loob ng 97 araw umpisa noong Agosto 29 na ang “lahat ng may sala ay dapat managot sa batas” sa loob ng 100 araw kontra pork barrel.

Walang problema na makisali sa mga protesta, “Kung naniniwala kayo, kung gusto n’yong ipakita, gawin n’yo basta hindi kayo pinipilit at alam n’yo ‘yung ginagawa n’yo, alam n’yo ‘yung pinaninindigan at kung sino ang nag-oorganisa,” dagdag pa ni Bretaña.

Samantala, aniya, hindi siya mismo ang nag-organize sa isinagawang rally noon sa Luneta dahil wala naman siyang malaking grupo kundi ang tao mismo ang nagkusa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.