PANGONGOTONG SA OFW (Part II)

SA AKING NAKARAANG kolum, tinalakay ko ang pango-ngolekta ng $25 taun-taon ng OWWA  mula sa ating mga OFW. Ito ay sapilitan o mandatory.

Meron pang mandatory health insurance para diumano mabayaran ang perhuwisyo sa OFW oras siya ay abusuhin o imaltrato. Ipinaliwanag din natin ang mga butas sa batas na ito.

Ngayon, pag-uusapan naman natin ang iba pang fees o singilin sa ating mga OFW.

Ang POEA, sa pamamagitan ng Memorandum Circular 06-2010, ay pinagbabayad ang OFW, oras siya ay ma-deploy, ng membership contribution na aabot sa P600 ($13.70) buwan-buwan sa loob ng anim na buwan. Ito ay kaugnay ng RA 9679 o Home Development Mutual Fund Law of 2009 na nagbibigay ng coverage sa informal sectors.

Ito ay bahagi ng tinatawag kong “legal na kotong”. Nand’yan pa ang isyu ng katiwalian o corruption.

Tingnan n’yo ang e-passport project ng DFA. Ang mga bagong passport ay naglalaman ng chipset para raw sa karagdagang seguridad alinsunod daw sa itinatadhana ng International Civil Aviation Organization.

Ang e-passport ay nag kakahalaga ng: P1,200 ($27) o P250 ($5.70) para sa rush processing, na aabot ng 10 working days, at P750 ( $17) o P200 ($4.56) para sa regular processing, na aabot ng 20 working days.

Natuklasan ng College Editors Guild of the Philippines na ang e-passport na nabili mula sa Hologram industries, isang kumpanyang Pranses, ay overpriced o may patong na P50 ($1.14) bawat isa. Kaya kung ang DFA ay nagre-release ng tatlong milyong passport taon-taon, aabot ang tong-pats sa P120 million ($2.7 million) taon-taon.

Lumalabas na lahat-lahat, ang isang migrante ay magbabayad sa gobyerno ng kabuuang P20,000 ($456) sa pamamagitan ng iba’t ibang fees na kinokolekta ng iba’t ibang ahensiya. Hindi pa kasama rito ang bababayarang placement fee ng isang aplikanteng OFW.

Eh, kumusta naman ang serbisyo ng gobyerno sa inyong mga OFW?

By Atty. Ome Candazo

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa:

PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

By Atty. Ome Candazo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.