Panggigipit Ng Sultanate Sa Mga Nais Umuwi Ng ‘Pinas, Black Propaganda Lang

ITINANGGI NG kampo ng Sulu Sultanate na giga-gamitan nila ng dahas ang mga miyembrong nais nang umuwi ng Pilipinas mula sa Lahad Datu, Sabah.

Iginiit ni Abraham Idjirani, tagapagsalita ni Sultan Jamalul Kiram III, na black propaganda o pakana lamang ito ng Malaysian authorities upang siraan ang mga Pilipinong Muslim.

“Hindi po totoo sapagkat noong nagkaroon na ng serious standoff ay sinabi ni [Crown Prince] Rajah Mudah [Agbimuddin Kiram, kapatid ni Sultan Kiram III] sa mga kamag-anak ng kanyang asawa na naninirahan doon sa Sabah na umalis na sila para kung anuman ang mangyari, ang inosente wala hong madadamay.”

“’Yan ay hindi totoo sapagkat unang-una, ang kanilang pakay ay para manirahan nang payapa. Pangalawa, sa anumang klaseng ganyan, kinakailangan ang suporta ng masa. Ating dine-deny ‘yang pangyayaring ‘yan, ‘yan po ay black propaganda ng Malaysian authority para sa ganu’n wala nang maniwala sa cause ng Sultanate of Sulu kung bakit sila ay pumunta sa Sabah, Malaysia.”

Una nang lumabas sa isang pahayagan na may pinaputukan umano ang mga tauhan ng Sulu Sultanate na mga kaalyadong nagtangkang umalis sa Lahad Datu.

Sinabi pa ni Idjirani na simula nang umigting ang standoff sa Sabah, hindi pa rin nagbabago ang kanilang posisyon na manatili roon at patuloy na ipaglaban ang kanilang karapatan sa lugar sa mapayapang pamamaraan.

Ito’y sa kabila ng rin ng pagpapadala ng humanitarian ship sa Sabah para sunduin ang mga Pinoy.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.