Pangamba sa sanction ng HK, pinawi ng DFA

PINAWI NG Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangamba ng mga regular passport holder hinggil sa ipinataw na parusa ng Hong Kong sa mga Pinoy.

“Hindi kasama sila (regular passport holders) doon sa bagong polisiya ng Hong Kong, ang kasama lang dito ay ‘yung diplomatic at official passport holders,” pahayag ni DFA Assistant Secretary Raul Hernandez.

Hinimay rin ni Hernandez ang mga saklaw ng kanselasyon ng visa-free access ng Hong Kong sa mga Pinoy na diplomatic at official passport hodlers.

Sinabi ni Hernandez na kabilang sa mga binibigyan ng dalawang uri ng passport ay mga opisyal ng pamahalaan at ang kanilang dependents o kamag-anak.

Ginagamit aniya ang mga ito para sa official trips at conferences sa nasabing bansa ng mga diplomat, matataas na opisyal at mga cabinet secretary.

Inihayag ni Hernandez na posible namang hindi alisin ang pagbibigay ng priority lane at iba pang pribilehiyo sa mga diplomatic at passport holder.

Aniya simula Pebrero 5, Miyerkules, hindi na makakabiyahe pa-Hong Kong nang walang visa ang mga diplomatic at official passport holder.

Gayunman, sinabi pa nito na kailangan lamang kumuha ng visa ng mga apektadong passport holder para payagang makapasok sa Hong Kong.

Maalala na Enero 29 nang alisin ng nabanggit na bansa ang visa-free access ng diplomatic at official passport holder makaraang hindi magbigay ang pamahalaan ng Pilipinas ng formal apology hinggil sa nangyaring Manila hostage crisis na ikinamatay ng walong turista mula sa nasabing lungsod.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.