Pangamba sa Pagkalat ng Meningococcemia, Pinawi ng DOH

PINAWI NG Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko sa pagkalat ng sakit na meningococcemia kasunod ng pagkamatay ng 4 na taong gulang na batang lalaking pasyente sa Amang Rodriguez Memorial Hospital sa Marikina City kamakailan.

Sinabi ni Health Assistant Secretary Eric Tayag na hindi madaling naipapasa o kumakalat ang sakit.

Sa bawat 100 nagpopositibo sa sakit, kadalasang hindi umaabot sa 10 ang namamatay. Sakali rin aniyang mamatay ang isang pasyente, namamatay na rin ang bacteria nito.

Sa pagkamatay aniya ng batang lalaki sa Amang Rodriguez Memorial Hospital kamakailan, binigyan na ng antibiotic prophylaxis ang mga nagkaroon ng direct contact dito. Gayunman, nilinaw ni Tayag na tanging ang mga nagkaroon ng close contact sa pasyente ang dapat bigyan ng antibiotic.

“Meningococcemia is caused by a bacteria found in nose, mouth and throat of healthy persons. About 5% of healthy persons harbor the bacteria,” ani Tayag.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng sakit ang lagnat at mga pantal na tila pasa.

Maaari ring makaranas ng paninigas ng leeg, pagsusuka at kumbulsyon ang may meningococcemia.

“Ang babantayan natin niyan ang sinumang may lagnat, lalo na sa bata, tapos lalabasan ng pantal na parang pasa at mabilis kumalat sa buong katawan, hudyat na ‘yun na malamang meningococcemia,” ayon kay Tayag.

Samantala, nilinaw ng DOH na hindi lang bata ang maaaring tamaan ng sakit. Kadalasan namang binibigyan ng penicillin ang pasyente.

Sakaling makita ang mga sintomas, dapat magpakonsulta agad sa doktor.

Sa ngayon, pinag-aaralan na ng kagawaran ang pagbibigay ng bakuna na pupuksa sa bacteria ng nasabing sakit.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.