Pang-exchange gift ba?

HINDI MAITATANGGI na likas sa mga kabataan ngayon ang maraming kaibigan. Nariyan ang mga kaibigan nila sa loob ng apat na sulok ng classroom. Nariyan din ang mga kaibigan nila sa kanilang mga kanya-kanyang organizations o clubs. Nariyan din ang mga kaibigan sa buong kolehiyo. Nariyan din ang mga BFF nila sa kanilang high scholol. Nariyan din ang kanilang mga childhood best friends sa elementarya at nariyan din ang kanilang mga kalaro sa kapitbahay. Kaya paniguradong pagdating ng Pasko, kabi-kabilaan ang mga Christmas Party na kanilang pupuntahan at panigurado ring sandamakmak na exchange gifts ang kanilang sasalihan.

Kaya mga bagets, nauubusan na ba kayo ng mga ideya na puwedeng ipang-regalo sa iyong ka-monito o ka-monita? Nahihirapan na ba kayo kung ano ang maaaring mabili sa halagang 250 pesos na talagang magugustahan niya? Mahirap talaga ‘yan lalo na kung hindi pinangalanan ang ka-exchange gift mo at wala pa siyang wish list na isinulat.

Kung gusto n’yong maging “safe” sa ireregalo n’yo at kung gusto n’yong masigurado na magagamit niya ang ibibigay n’yo, bakit hindi n’yo subukang sundin ang limang tips ko para sa inyo?

 

Planner

Mapa-lalaki o mapa-babae man, tiyak na magagamit niya ang planner. Magandang Christmas gift pa ito lalo na’t pagkatapos ng Pasko, konting tulog na lang, magba-Bagong Taon naman. May mga planner din na mura lang pero maganda na ang dating. ‘Yung iba nga may kasama na ring ballpen pa.

 

Gift Certificate o Gift Cheque

Kung ayaw mong pahirapan ang sarili mo sa pag-iisip ng maaari mong iregalo, gift certificate lang ang solusyon diyan. Sa mga department stores dito sa atin, nagbebenta sila ng mga gift card na maaari mong ipangregalo. Oo nga naman, ‘pag ito ang binigay mo, makakasiguro ka na talagang ‘yung gusto niya ang mabibili niya.

 

Movie passes

Tuwing Pasko, kasabay rin niyan ang mga sangkatutak na bagong palabas sa sine. Malamang, ipinagdiriwang din kasi natin ang pelikulang Pilipino sa panahon ng Pasko sa pamamagitan ng pagdaos ng Metro Manila Film Festival. Kaya, puwede ring bumili ka na lang ng dalawang movie passes na may matagal na expiration date at ito na lang ang ipangregalo mo. Tiyak naman na may gusto siyang panoorin sa sine, makakasama niya pa ang espesyal sa buhay niya.

 

Libro

Maganda ring ipangregalo ang mga libro. Pumili ka ng mga inspirational books o kaya mga libro na nagtatalakay ng success life stories. Kung gusto mo naman, ‘yung librong maaaring makatulong sa love story ng reregaluhan mo, Papa Jack o Ramon Bautista books ang ibigay mo. ‘Di ba naka-inspire ka pa?

 

Pera

Kung ayaw mo na talagang mag-isip ng ipangreregalo at kung ayaw mo na ring mamroblemang magtungo sa malls para bumili, pera lang ang solusyon diyan! Isilid mo na lang sa napakagandang sobre o sa ampao ang pera na ibibigay mo. Ganyan kadali, walang kahirap-hirap.

 

Ayan, siguro naman, wala ng dahilan para mahirapan ka pa sa pag-iisip ng pang-exchange gift. Maganda rin na samahan mo ng kahit maiksing note o mensahe ang reregaluhan mo para dama ninyo pareho ang pagbibigayan ngayong Pasko.

Usapang Bagets

By Ralph Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.