Panawagan sa Total Gun Ban, Hinaharang

MAS UMIGTING pa ang panawagan ng ilang grupo para sa total gun ban kasunod ng walang habas na pamamaril sa Cavite at ang paglobo ng mga biktima ng indiscriminate firing noong Bagong Taon.

Gayunman, naniniwala ang lider ng isang anti-gun group na kaya’t hindi umuusad ang kampanya laban sa pagdadala ng baril ay dahil mismong ang mga pulitiko ang humaharang dito.

Ayon kay Nandy Pacheco, founder ng grupong Gunless Society, nakadidismaya ang tila pagbabalewala ng mga mambabatas sa panawagan ng mga mamamayan na magkaroon na ng total gun ban sa bansa.

Sinabi ni Pacheco na may hakbang ang ilang mambabatas na magsulong ng panukala para sa total ban ngunit tila wala ni isang kongresista ang gustong sumusog dito.

Nakasama sa Pilipinas ang panggagaya nito sa Amerika, kung saan tila karapatan ang pagdadala ng baril. Giit pa ni Pacheco.

Hindi aniya ito dapat gayahin dahil marami namang bansa sa Asya ang naging maunlad sa kabila ng total gun ban.

Nilinaw rin ni Pacheco ang posisyon ng Gunless Society hinggil sa total gun ban.

Aniya, hindi ipinagbabawal ng grupo ang pagkakaroon ng lisensyadong baril sa loob ng bahay bilang proteksyon ngunit hindi dapat ito dinadala sa lansangan.

Tanging ang mga pulis, sundalo at iba pang duly authorized officials lang aniya ang dapat may karapatang magdala ng baril para matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng mga loose firearm.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.