Pamilya ng 3 Brgy. Captain na Pinaslang, Sumisigaw pa rin ng Katarungan

PATULOY NA isinisigaw ng pamilya ng tatlong barangay captain sa Bulacan na magkakasunod na pinaslang sa loob ng nakalipas na buwan ng Mayo ang paghingi ng katarungan dahil hanggang sa kasakuyan ay wala pa rin umanong linaw kung sino ang mga kriminal na nasa likod ng pagpatay sa mga ito.

Matatandaan na walong araw bago ganapin ang May 13 midterm elections, binaril at napatay ng riding-in-tandem si Brgy. Chairman Ronnie Roura ng Brgy. Poblacion, San Miguel; na nasundan naman pamamaril na ikinasawi rin ni Kapitan Ernesto Ventura ng Brgy. Santol, Balagtas; at pagkaraan naman ng limang araw ay pinagbabaril din at napatay ng riding-in-tandem si Feliciano Liwag Jr. na dating pulis, at Brgy. Captain ng Tigpalas, San Miguel.

Ayon sa mga pamilya ng tatlong pinaslang na opisyal ng barangay, may mga testigo na sila na nagbigay ng testimonya na maaaring makatulong sa pulisya upang makilala ang mga posibleng killer sa nangyaring pamamaslang. Subalit tila tinutulugan o inuupuan lamang ito ng pulisya sa kanilang mga bayan.

Bagama’t wala pang malinaw na imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng pagpaslang sa tatlong mga biktima, hindi naman nila inaalis ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang nangyaring krimen.

Gayunman, aminado ang mga binuong task force ng PNP na nahihirapan silang resolbahin ang mga kaso dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya na makapagtuturo sa mga suspek.

Dahil dito, umapila si Bulacan Governor Willy Alvarado sa mga pulis na wala sanang fall guy na lumutang sa imbestigasyon upang mapagtakpan ang sunud-sunod na krimen sa lalawigan, bukod pa ang sunud-sunod ding holdapan sa mga sangay ng LBC, at pagpatay rin sa mga sibilyan.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.