PAMILYA IBASAN, UTAK NG MGA SUGAL

NAMAMAYAGPAG UMANO ANG magkakapatid na Ibasan kung pag-uusapan ang sugal dahil sa nagkalat ang mga pasugalan umano ng mga ito sa buong lalawigan ng Pangasinan. Ito ang napag-alaman ng Pinoy Parazzi sa mismong mga government officials sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon sa kumpirmadong impormasyon, ang mga pasu-galan ng mga Ibasan ay nakalatag sa mga bayan ng Aguilar, Bugallon, Rozales, Binmaley, Manaoag, San Jacinto at iba pang lugar sa lalawigan ng Pangasinan.

Nabatid na ang Pamilya Ibasan ay nakilala sa mga pangalang alyas Rene, Rolly, Rey at tatlong babae pa nilang kapatid, pati na rin ang mga anak at apo ay katulong din umano sa mga iligal na pasugalan.

Ang modus operandi ng mga ito, kunwari ay aalukin nila ang mayor at ang mga municipal officials na sila ang kukuha ng kontrata sa darating na kapiyestahan na maglalagay sila ng peryahan sa mga nabanggit na bayan at magbibigay sila ng goodwill money na pinakamababa ay P700 thousand, depende sa laki ng bayan. Pero ang karamihan na ilalagay naman ng mga ito ay mga pasugalan tulad ng drop balls, 3 balls at iba pang mga sari-saring sugal na kinawiwilihan ng mga bata upang mabawi nila ang ibinayad sa alkalde.

Napag-alaman pa na sa halip na mga rides ang ilalagay upang masaya ang mga nagpupuntang mga bata kasama ang mga magulang, kakaunti ang rides at ang marami ay ang mga pasugalan. Bukod pa rito, kapag nakuha nila ang kontrata, sila na rin ang may hawak o magpaparenta ng mga puwesto ng mga baratilyo at sa mga tindera na nais ding maghanap-buhay.

Sa ibinigay na goodwill money sa mga opisyal, mahigit kalahati ang kanilang kinikita sa mga pasugalan at mga paupahang puwesto sa gilid ng plaza ng mga nasabing bayan.

Nagmamalaki pa raw ang mga Ibasan dahil nagbibigay rin daw sila sa iba’t ibang unit ng kapulisan upang hindi sila dakpin sa kanilang mga iligal na pasugalan. Front lang umano ng pamilyang ito ang nasabing mga peryahan para mapatakbo nila ang kanilang mga ilegal na pasugalan.

Nagtataka ang mga residente sa mga nabanggit na lugar kung bakit nga raw hindi ginagalaw ng mga CIDG, SOG, at PNP ang mga ito. Nanawagan pa sila sa mga kinauukulan na kung talagang malinis ang mga ito at walang tinatanggap na kahit isang kusing sa Pamilya Ibasan, marapat lang na kumilos ang mga ito para dakpin sa iligal na gawain.  (Pinoy Parazzi Investigative Team)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.