Pambansang Krung-Krung ng Pilipinas!

‘Mahal ko kayo!’

NAAALALA N’YO BA ang Koreanang nagsabi ng mga katagang iyan habang kumakaway-kaway sa kanyang mga fans? Sino ba naman ang makakalimot sa Star Circle Questor na si Sandara Park?

Una nating napanood at minahal si Sandara Park nang sumali ito sa unang sabak ng Star Circle Quest. Nag-uumpisa pa lang umusbong ang mga Asianovelas noon kung kaya’t naaliw kaagad ang mga manonood sa dalaga. Aminado naman siya na hindi talaga siya ganu’n kagaling kumanta, sumayaw at umarte, pero handa siyang matuto. Hindi rin siya ganu’n ka-fluent sa pagsalita ng Ingles o Filipino. Tunay ngang nakabibilib si Sandy dahil nakayanan niya ang hamon ng mundo ng showbiz.

Nakuha ni Sandara ang simpatiya ng madla nang ikuwento niya ang naging kapalaran ng kanyang pamilya lalo na ang mga hinanakit n’ya sa kanyang ama. Madalas din itong napagsasabihan ng mga jurors na sina Boy Abunda, Gloria Diaz at Lauren Dyogi. Gayunpaman, hindi ito nabo-vote-out dahil palagi itong nangunguna sa text votes na 50% ang resulta.

Marami rin ang kinilig sa tambalan nila ng SCQ Grand Questor na si Hero Angeles. Pang-Koreanovela kasi ang appeal nilang dalawa at pareho din silang kalog. Nagkaroon sila ng ilang pelikula at TV shows at tinawag silang ‘HEROSAN’ ng kanilang fans. Akala nga ng lahat, magtutuluy-tuloy na ang pagsikat nila hanggang sa biglang nagdesisyon si Sandy na bumalik sa Korea para mag-aral ng ilang buwan. Pagbalik niya, nagkaproblema naman si Hero sa ABS-CBN. Simula noon ay nabuwag na ang kanilang tambalan at hindi na muling naispatan ng mga tagahanga na magkasama.

Naging novelty singer din si Sandy. Ilan sa mga kantang pinasikat niya ay ang In or Out at Ang Ganda Ko. Kasalukuyan na itong kilala bilang si ‘Dara’ ng grupong 2NE1 sa Korea. Humahataw ngayon sa airwaves ang mga kanta nilang ‘Fire’ at ‘I Don’t Care.’ Dinumog si Dara ng fans na sabik na sabik sa kanya nang bumalik siya kamakailan dito sa ‘Pinas para magbakasyon. Nakatutuwang isipin na hanggang ngayon ay mahal pa rin ni Dara ang Pinas. Nagkita na kaya sila ni Hero Angeles?

Para sa mga katanungan at komento, mag-email lamang sa pinoyfansclub@gmail.com. Bisitahin din kami sa http://www.pinoyfansclub.com.

By Pinoy Fans Club

loading...

2 thoughts on “Pambansang Krung-Krung ng Pilipinas!

  1. SANDARA (Sipat Eklat style)

    SANDARA: Kumusta ka naman Hero?
    HERO: Eto, extra sa Dyesebel.

    JOSEPH: Sandara, gusto mo makipag-balikan?
    SANDARA: Dahil sikat na ulit ako? Nek-nek mo!

Leave a Reply

Your email address will not be published.