Pamatay sa garapata, nilaklak ng kelot

PINANINIWALAANG NAGPATIWAKAL ang isang 37-anyos na dating seaman matapos nitong haluan ng kemikal na pamatay sa garapata ng aso ang iniinom na alak sa loob ng Sogo Hotel sa may Claro M. Recto Avenue, Quiapo, Maynila.

Wala nang buhay nang matagpuan ang biktimang si Bayani Jade Resos, tubong Banga, Aklan at taga-205 A. Quezon St., Don Bosco, Tondo, Maynila, sa Room 312 ng Sogo Hotel na matatagpuan sa may Cartimar Building, CM Recto Avenue, Quiapo ng naturang lugar.

Napag-alaman na nag-check in ang biktima bandang alas-nuwebe ng umaga para sa 6-oras na pananatili sa hotel, kung saan umorder pa ito ng 3 bote ng San Miguel Light Beer at sigarilyo.

Samantala, nang matapos na ang check-in hour ng biktima ay tinawagan na ito ng room attendant na si Ruel Botalon, pero hindi sumasagot.

Kinatok nila ang silid pero wala pa ring sumasagot kaya napilitan silang gumamit ng duplicate key at doon nakita ang wala nang buhay na biktima.

Nabatid na may bula pang nakita sa bibig ng biktima nang suriin ng mga nagrespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Bukod naman sa cellphone nito at wallet na may calling cards, wala nang nakitang anumang dala ang si Resos.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng pagpapakamatay ng biktima na isinugod sa Nathan Funeral Homes para sa awtopsiya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.