Palawan Gov’t, Pagbabayarin ang US Navy sa Pagsira sa Tubbataha Reef

PAGBABAYARIN NG lokal na pamahalaan ng Palawan ang United States (US) Navy sa pinsalang idinulot ng pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef nitong Huwebes.

Sinabi ni Palawan Governor Abraham Kahlil Mitra at ng Protected Area Management Board (PAMB) ng Pa-lawan na pagbabayarin nila ang US Navy lalo’t aabutin pa ng 20 taon hanggang 100 taon bago manumbalik ang nasirang coral reefs.

Lumawak pa ang unang napabalitang 10-metrong pinsala sa coral reefs ma-tapos gumalaw nang 90-degrees ang USS Guardian dahil sa malakas na hangin at alon.

Lumalabas sa pinakahuling report, pinapasok na rin ng tubig ang barko pero wala pang kumpirmasyon kung nabutas na ito o may oil spill na sa tinamaang bahagi ng Tubbataha reef.

Base naman sa email ng US Navy sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM), ang faulty navigational check o maling mapa ang naging dahilan kung bakit hindi napansin ng mga tauhan ng barko ang Tubbataha.

Dumaan anila sila ng Puerto Princesa mula Subic at hindi napansin ang napinsalang lugar.

Pero ayon sa Tubbataha Management Office (TMO), sinubukan nilang harangin ang barko pero hindi sila pinakinggan ng mga sakay nito at sa halip ay pinagsabihan silang makipag-ugnayan na lang sa US Navy.

Kamakalawa, nagpulong ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at military forces sa Palawan kaugnay ng sitwasyon ng barko.

Gayunpaman, wala pa rin silang nagagawang aksyon dahil hinihintay pa nilang humingi ng tulong ang US Navy.

Samantala, sinabi naman ni Major Oliver Banaria ng WESTCOM na nakaantabay na ang tatlong barko ng bansa sakaling kailanganin ng tulong ng Amerika.

Nakaantabay na rin ang tugboat ng US Navy sa naturang lugar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.