Pagtugis sa mga Suspek sa Pagholdap at Pagpatay sa French Tourist, Pinaigting

APAT NA team ng Pasay Police ang nagsasagawa ng follow-up operation para lutasin ang kaso ng pagholdap at pagpatay sa French tourist noong Biyernes.

Sinabi ni Pasay City Police Chief Senior Superintendent Rodolfo Llorca na bumuo na sila ng task force para tugisin ang nasa likod ng pamamaslang sa turistang si Hofman Pierre Paul Franz, 68-anyos.

Si Police Sr. Supt. Conrado Capa, Deputy Director for operations ng Southern Police District (SPD) ang mamumuno sa binuong Task Force Hofman.

Biyernes ng umaga habang naghihintay ng taxi kasama ang mga kaibigan ay bigla na lamang tinangay ng mga salarin ang bag na may lamang 750 Euro o katumbas na P40,000.

Nanlaban ang dayuhan dahilan upang paputukan ito sa dibdib at tiyan ng tatlong suspek na nakasakay ng motorsiklo.

Bagama’t may hawak nang kuha ng closed circuit television (CCTV) camera ang pulisya mula sa katapat na hotel kung saan nangyari ang krimen sa EDSA – Roxas Boulevard, hindi naman mamukhaan ang mga kawatan dahil sa kalabuan ng footage.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanap ng mga kinauukulan ng mga posibleng testigo sa insidente.

Samantala, una nang sinibak sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Leonardo Espina ang station commander ng Police Community Precinct 6 na si Insp. Joril Soriano na sumasakop sa naturang lugar ng krimen dahil sa mabagal nitong pagresponde sa insidente na umabot ng isang oras bago pa tuluyang nadala sa pagamutan ang biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.