Pagtanggal sa Midnight Appointee ni EX-PGMA, Pinagtibay ng CA

LALO PANG pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang legalidad ng Executive Order Number 2 ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na nag-uutos para sa pagtanggal sa puwesto ng mga midnight appointee ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito’y base sa desisyong ipinalabas ng CA Former 8th division na nagdeklara na ang pagtalaga kay Jose Sonny Matula bilang komisyuner ng Social Security System (SSS) ay isang midnight appointment.

Ang nasabing desisyon ay isinulat ni Associate Justice Noel Tijam na sinang-ayunan din nina Justices Romeo Barza at Edwin Sorongon.

Sinabi ng CA na hindi iligal ang pagbawi ng kasalukuyang administrasyon sa appointment ni Matula bilang SSS Commissioner dahil ang E.O. 2 ay hindi naman labag sa Section 15, Article VII ng 1987 Constitution o ang probisyon tungkol sa midnight appointment.

Si Matula ay hinirang bilang komisyuner ng SSS na kumakatawan sa mga manggagawa noong March 5, 2010, anim na araw bago magsimula ang constitutional ban sa midnight appointment.

Samantala, tinukoy pa ng CA na dahil “coterminous” sa appointment ni Matula ang paghirang sa ilang opisyal at kawani ng SSS, kinatigan din nito ang pag-alis sa puwesto nina Ronnie Nismal, Chief of Staff ni Matula; Alvin Gonzales, Alfredo Maranan, Jomel General, Exequiel Bacarr at Juanito Facundo, mga kasapi ng SSS, trade union leader at miyembro rin ng Governing Board ng Federation of Free Workers.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.