Pagpunta ni Obama sa ‘Pinas, ire-resched

MATAPOS NA makumpirma ang hindi na nito pagdalaw sa Pilipinas, inatasan na umano ni US President Barack Obama si Secretary of State John Kerry na kumatawan sa kanya sa pagdalaw sa bansa.

Ayon kay US National Security Council spokesperson Caitlin Hayden, “looking forward” pa rin umano si Obama na makabisita sa Maynila at Malaysia kung kaya’t maaari aniya itong ma-reschedule.

Una rito, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Raul Hernandez na mismong si Obama ang nagparating sa Pangulong Noynoy Aquino III na kanselado na ang biyahe nito sa gitna na rin ng nagaganap na “budget stalemate” sa kanyang administrasyon.

Una nga rito, hindi na matutuloy ang pagpunta ng US chief executive sa Malaysia sa darating na October 11 sa gitna ng government shutdown ngayon sa Estados Unidos.

Nakatakda sanang magsalita ang pangulo ng Amerika sa gaganaping business summit sa Kuala Lumpur.

Sa halip, ipadadala ng White House si US Secretary of State John Kerry bilang kapalit ni Obama.

Napag-alaman na pagkatapos ng pagbisita sa Malaysia ay dideretso sana ng Pilipinas si Obama.

Una na ring inihayag ni Presidential Deputy Spokesperson Abigail Valte na nauunawaan ng Palasyo ang pagpapaliban sa biyahe ni Obama dahil na rin sa kinakaharap nitong suliranin sa kanilang bansa.

Samantala, kung natuloy sana, ito ang pang-pitong pagdalaw sa bansa ng pangulo ng Amerika kung saan ang pinakahuli ay noon pang 2003 ni former US President George W. Bush.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.