Pagpatay sa OFW, lutas na
Leader ng Robbery Hold-Up and Carnapping Group, Tiklo

NADAKIP NA ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang leader ng Robbery Hold-Up and Carnapping Group na itinuturong utak at responsible sa pagpatay sa isang Overseas Filipino Worker na biktima ng carnapping sa bayan ng San Rafael nito lamang nakalipas na Hunyo 15 2013.

Sa ulat na ipinadala ni P/C Insp. Rodolfo Santiago ll kay P/C Supt. Frank Uyami, Jr., kinilala ang nadakip na leader ng grupo si Rommel Villacorta Y Sumylo, 33 anyos, alyas “Bumbay” at alyas “Taga”, residente ng Brgy. Poblacion, Baliuag; at mga kasama nito na sina Renante Domingo, 38, alyas “Enan” ng Brgy. Lalangan, Plaridel; Jimmy Quilonio, 45, alyas “Jimmy” ng Brgy. Bangkal, Malolos City; samantalang kusa namang sumuko si Reynaldo Manalad, 47, alyas “Rey” ng Brgy. Sta Isabel, Malolos City.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni P/Sr. Insp. Roland Culiao at SPO2 Aldam Kulayan, matatandaang una nang nadakip si “Bumbay” ganap na alas-5:30 ng hapon sa Room No.5 ng Krystal Lodge sa Brgy. Bagong Nayon, Baliuag sa bisa ng bench warrant of arrest na ipinalabas ni Branch-12 RTC Judge Vergilita Castillo sa kasong Frustrated Murder.

Ayon kay Rey,nagpunta ito sa tanggapan ng CIDG upang ikumpisal ang nalalaman nito sa naganap na pagpatay kay Angelito Santos na isang seaman ng Brgy. Bulihan, Malolos City noong  Hunyo 15 2013 sa Brgy. Balagtas, San Rafael, Bulacan bandang alas-10:00 ng gabi, kung  saan sinakal muna ito at ng hindi mapatay basta na lamang itong binaril sa ulo ni Bumbay, at basta na lamang iniwan sa nabanggit na lugar.

Kung saan Hunyo 16 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng OFW at kinarnap ang sasakyan nito na Hyundai Accel na kulay itim na may plakang TQW-756.

Aniya, hindi sya makapaniwala sa nangyari dahil wala naman umano sa usapan nila na papatayin nila ang may-ari ng sasakyan na kanilang ginamit, kaya nakunsenya siya sa nangyari. Dahil sa tiwala na hindi siya mapapahamak sa CIDG, ikinuwento na inya ang kanyang nalalaman at partisipasyon sa krimen.

Kung saan dumating ang asawa ng napatay nilang OFW, at laking gulat niya nang malaman nito na malapit pa nilang kamag-anak ang asawa ng OFW na pinaslang. Dahil dito, labis ang kanyang pagsisisi at paghingi ng tawad sa pamilya ng kanilang pinatay.

Matatandaang una nang humingi ng tulong sa Sangguniang Panlalawigan ang pamilya ng napaslang na OFW at humingi na rin ng tulong sa CIDG, kung saan makalipas ang dalawang araw, agad nadakip ang utak sa pagpatay, at bago ang ika-40 araw ng pagkamatay ni Santos, kahapon nadakip na lahat ang mga suspek.

Samantala, detenido ngayon ang mga suspek sa CIDT detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

 (TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.