Pagpasa ng FOI Bill, Dapat Banggitin sa SONA ni Pnoy

UMAASA ANG ilang mambabatas mula sa United Nationalist Alliance (UNA) na babanggitin ni Pangulong Noynoy Aquino III sa kanyang state of the nation address (SONA) ang kahalagahan ng pagpasa ng Freedom of Information (FOI) bill.

Sinabi ni Sen. JV Ejercito na dapat i-certify bilang urgent ng Pangulo ang panukalang batas kung talagang sensiro ang administrasyon sa kampanya nito laban sa kurapsyon at transparency.

Maliban naman sa kontrobersiyal na isyu kaugnay ng Congressional Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa pork barrel, inihain ni Ejercito ang Senate Bill 217 na naglalayong ipaalam sa taong bayan ang ibat-ibang proyekto at aktibidad ng national government, partikular ang implementasyon ng Conditional Cash Transfer (CCT), Special Purpose Fund (SPF) at iba pa.

“Kung tunay ang kagustuhan ng ating pangulo na tumahak ang buong bansa sa daang matuwid dapat lang na bigyang pansin ni PNoy ang FOI at i-certify ito bilang ‘urgent.’ Hindi makatuwiran na isantabi lamang ang isang panukala na alam nating magbibigay ng tunay na matuwid at maliwanag na daan, para magkaroon ng totoong linaw at pananagutan ang bawat transaksyon na pinapasok ng gobyerno. Umaasa ako na sa darating na SONA ay maipahayag niya ang kanyang katayuan sa isyu na ito. Para sa akin, walang totoong matuwid na daan kung walang FOI,” ayon sa mambabatas.

Samantala, nabatid na naipasa sa third and final reading ang FOI bill sa nakaraang 15th Congress ngunit dahil sa kawalan ng quorum, hindi ito naipasa sa Kamara.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.