Pagpapatigil ng Power Hike, Suportado ng Senado

SUPORTADO NG liderato ng Senado ang pagpapatigil ng implementasyon ng bigtime power hike, o pagtaas ng nasa 60 porsiyentong singil sa kuryente matapos ang sabayang pag-shutdown ng mga planta mula sa Malampaya gas.

Ayon kay Senate President Franklin Drilon na sakaling may senador na maghahain ng isang resolusyon para ipahiwatig ang pulso ng Senado kontra sa implementasyon ng power hike ay personal nitong susuportahan.

Maaalala na hiniling ni Sen. Ralph Recto sa gobyerno na ipagpaliban muna ng pagpapatupad ng power hike habang isinasagawa pa ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE) at Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) ang pagsisiyasat hinggil sa umano’y sabwatan ng mga power producers.

Sinabi ni Drilon na kailangang siyasatin ang umano’y sabwatan ng mga power producers at parusahan ang mga nagkasala lalo’t may katumbas itong pagkakakulong batay sa Revised Penal Code.

Sa pagsisiyasat ng Senate committee on energy kahapon, inihayag ni ERC Chair Zenaida Ducut na bagama’t inaprubahan nila ang kahilingan ng Meralco na magpataw ng P4.15 per kilowatt hour na dagdag-sinigil sa kuryente, hindi pa ito final at kailangan pa nilang i-review.

Pero ngayong buwan ng Disyembre ay ipinatutupad na ng Meralco ang unang bagsak ng dagdag singil sa kuryente kung saan umabot sa P2.41 per kilowatt hour ang itinaas, habang P1.21 per kilowatt hour sa buwan ng Pebrero at P0.53 sa buwan ng Marso.

Itutuloy rin ng Senado ang imbestigasyon sa power hike sa pagbabalik ng session sa Enero 23 ng susunod na taon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.