Pagpapalakas ng relasyon, sentro sa PH-NKor meeting

KINUMPIRMA NG Department of Foreign Affairs ang pagtungo noong July 24 ni Ambassador to China Erlinda Basilio sa Pyongyang, kung saan nagkaroon ito ng audience kay President of the Presidium of the Supreme People’s Assembly Kim Yong Nam. Ito ay ang muling pag-uusap ng mga opisyal ng Pilipinas at North Korea.

Sa nasabing seremonya sa Supreme People’s Assembly, iprinisinta ni Basilio kay Kim ang credentials nito bilang ambassador ng Pilipinas sa komunistang bansa.

Pinag-usapan ng dalawang opisyal ang pagpapalakas pa ng relasyon ng dalawang bansa at maging ang tensyon sa Korean Peninsula.

Ipinaabot ni Basilio sa Pyongyang ang kagustuhan ng Pilipinas na magkaroon ng stability at kapayapaan sa Korean peninsula.

Hindi na nagdetalye ang DFA kung natalakay rin sa naturang pag-uusap ang kontrobersyal na nuclear program ng nasabing bansa.

Tanggap umano ni Kim ang appointment ni Basilio at positibong mas mapaganda pa ang relasyon ng dalawang bansa sa ilalim nito.

Pinuri umano ng Pyongyang ang tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas at umaasa si Kim na balang araw ay maging “economic giant” din ang bansa nito.

Samantala, bukod kay Kim, nakipagpulong din umano si Basilio sa mga opisyal ng North Korean foreign affairs at cultural ministries.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.