Pagpapagamit ng ‘Pinas ng base-militar sa US, itinapat sa pagdating ni Obama

TUTOL ANG Bayan Muna sa pagpayag ng bansa na ipagamit ang mga base-militar nito sa Estados Unidos.

Ayon kay Bayan Muna Representative Neri Colmenares, labag sa batas ang isinasapinal nang bagong “security deal” sa pagitan ng dalawang bansa dahil taliwas ito sa nakasaad sa Konstitusyon na nagbabawal sa pagpasok sa bansa ng foreign military troops, bases at facility nang walang treaty.

Naniniwala si Colmenares na sakaling hayaan ng Pilipinas ang mga banyaga na magkaroon ng kontrol sa anumang bahagi ng bansa ay makakaapekto ito sa pulitika at seguridad ng Pilipinas.

“Actually ang U.S, hindi naman ‘yan tumutulong eh, ang tulong niyan laging pakabig sa kanya. Hindi naman ‘yan maawaing bansa,” pahayag ni Colmenares.

Sinabi pa ng mambabatas na ikinakatuwiran lamang na dahilan sa bagong kasunduan ang agawan sa West Philippine Sea ng China at Pilipinas.

“Tingin nga namin ginagamit na ‘yan eh, kasi ano ang basis na mag-i-invade ang China sa Pilipinas? Pangalawa, marami tayong nagdi-dispute diyan sa Spratlys, Brunei, Vietnam [pero] humingi ba sila na magtayo kayo ng bases dito, America? Wala akong narinig sa international community na nagsasabing ‘papasukin ‘yung America dito para hindi tayo i-envade ng China’,” ayon pa kay Colmenares.

Sa halip na humingi ng tulong sa Amerika sa usapin ng agawan sa teritoryo, mas mabuti aniyang idinaan ito sa international dialogue.

Duda rin si Colmenares na makokontrol pa ng militar ng bansa kahit ipagamit ito sa mga Amerikano na una nang tiniyak ni Defense Undersecretary Pio Lorenzo Batino.

Pinuna rin ng mambabatas ang pagsasapinal ng kasunduan na anya’y tila itinataon sa nakatakdang paglilibot ni U.S. President Barrack Obama sa mga bansa sa Asya kabilang na ang Pilipinas ngayong Abril.

“Parang itina-timing sa pagdating na parang dapat pag-usapan, dapat may consultation [pero] ang hinahabol mo pa [ay] how to please President Obama when he arrives,” dagdag pa ng mambabatas.

Samantala, Kailangang munang ratipikahin ng Senado ang panibagong military cooperation sa pagitan ng bansa at Amerika.

Sinabi ni Sen. Miriam Defensor- Santiago na maituturing na isang “treaty” o kasunduan ang pagpayag ng Pilipinas na ipagamit sa U.S ang mga base-militar nito.

Sa ilalim ng batas, kailangang sang-ayunan muna ng Senado ang anumang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.