Pagpapa-botox ni Charice, nagpasikat kay Vicki Belo!

MAGRI-RESUME na sa Lunes ang hearing ng kaso nina Katrina Halili at Hayden Kho sa Pasig-RTC. Sana naman huwag na akong patawag uli na mag-witness at nakakaloka na, huh!

Meron pa raw ilang witness na pauupuin ang abogado ni Katrina at ang susunod na niyan ay si Hayden na ang isasalang para mabilis na raw matapos ang kasong ito na talagang sinusubaybayan hanggang sa verdict nito.

Kuwento ni Dra. Vicki Belo, nag-request daw sa kanya si Hayden kung puwede huwag na siyang sumama sa hearing dahil ayaw na raw niyang masaktan uli ito kapag ibabalik na naman ang kuwento ng relasyon nila ni Katrina.

Gusto naman daw ni Vicki na suportahan si Hayden pero ‘yun daw ang request nito, kaya susundin niya.

Sa totoo lang, kahit ilang beses na sinasabi ni Vicki na close friends lang talaga sila ni Hayden, parang wala namang naniniwala.

Nu’ng nakaraang Sabado, nakita silang magkasama sa Eastwood na nagsi-shopping na magka-holding hands pa raw.

Hindi naman itinatanggi ito ni Vicki dahil talagang magkasama raw sila ni Hayden dahil pareho silang inimbita ni Charice na manood ng concert nito sa Eastwood.

Pero bago raw sila nanood ng concert, ibinili raw muna nito ng damit si Vicki kaya touched naman ang huli.

“Binilhan niya ako ng St. John na red dress, kasi merong sale doon. That’s one of our bonding times, shopping, mahilig siyang mag-shopping at saka ang gusto kasi ni Hayden, mag-try akong mag-model-model. Pinapakita ko sa kanya, tapos siya na ang magdedesisyon kung ano ang maganda sa akin,” sey ni Dra. Belo na parang kilig na kilig pa rin sa mga ginagawa sa kanya ni Hayden.

Hindi naman daw niya puwedeng i-deny na talagang mahal niya si Hayden pero bilang magkaibigan na lang daw talaga dahil hindi na nga puwede. ‘Yun ang eklay niya sa amin, ha?

“Mahal ko talaga siya as in mahal. Kahit mag-asawa pa ‘yan ng iba or me ibang girlfriend, lagi kong sinasabi sa kanya, just tell me, okay lang sa akin. Alam mo naman ang relationship namin me pagkaiba. So, all I asked from him is to be honest, kasi wala namang reason,” dagdag na tsika ni Dra. Belo sa Startalk.

Abangan n’yo sa Startalk ang kabuuan ng kuwentong iyan dahil marami pang isyung dapat sagutin ang kontrobersiyal na doktora.

ISA NA RITO ang kay Charice na talagang pinag-uusapan na pati sa Hollywood ang pagpapa-botox nito.

Tinitira riyan si Dra. Belo dahil hindi raw dapat nitong pina-botox sa edad na 18. Pero maayos naman ang paliwanag dito ni Dra. Belo at ayaw na nilang palakihin pa.

Gusto kasi ni Dra. Belo na paliitin ng konti ang mukha ni Charice kaya pina-botox nito ang sa may bandang panga niya para medyo lumiit. Nagkaganu’n daw ‘yun dahil sa madalas niyang pagnguya ng bubble gum kaya pinagbawalan na itong mag-chewing gum.

Pero hindi raw ‘yun operasyon at safe daw ang ginawang ‘yun kay Charice, kaya nagtataka naman sila bakit ginawang malaking isyu pa.

Gusto lang naman nilang maayos naman kahit konti ang mukha ni Charice para gumanda-ganda naman ito bago siya mag-taping sa Glee.

Pero bongga na talaga si Charice, huh! Talagang malaking celebrity na siya na pinag-uusapan pati sa mga showbiz talk show sa Hollywood. Pati si Dra. Belo nadamay rin at kilalang-kilala na siya sa buong mundo.

Eh, ano ba kung bad publicity, bonggang publicity pa rin ‘yun, ‘di ba?

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articlePokwang, tsugi na rin sa Wowowee?
Next articlePresent thing! (Richard Reynoso)

No posts to display