Paglago ng Ekonomiya, Bumagal

BUMAGAL ANG paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng 2013.

Sinabi ng National Statistical Coordination Board (NSCB) na pumalo sa 7.0% ang gross domestic product (GDP) ng bansa na kumpara sa mga nakaraang quarter ay maituturing na pinakamababa.

First quarter nang umabot sa 7.8% ang GDP ng bansa na pinakamataas sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III. 7.5% naman ang GDP noong second quarter.

Base sa report ng NSCB, ang 7.5% growth sa sektor ng serbisyo ang pangunahin pa ring salik sa paglago ng ekonomiya sa ikatlong quarter ng taon. Pasok dito ang real estate, renting and business activities, trade at financial intermediation.

Malaki rin ang naitulong ng sektor ng industriya sa GDP. Pero ang agrikultura, nakapag-ambag lamang ng 0.3% na paglago. Paliwanag ng ahensya, dahil ito sa pananalasa ng 10 bagyo.

Hindi naman kasama sa bagong GDP ang epekto ng super typhoon Yolanda dahil tumama ito ng Nobyembre. Maipapasok pa ito sa ika-apat na quarter.

Dahil sa 7.0% GDP, lumalabas na 7.4% ang average na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2013. Pasok pa naman ito sa target na 6.5% hanggang 7% na growth rate ng gobyerno.

Ipinagmalaki rin ni National Economic and Development Authority (NEDA) Director-General Arsenio Balisacan na pangalawa ang bansa sa may pinakamasiglang ekonomiya sa Asya sunod sa Tsina na may 7.8%.

Samantala, aminado siyang posibleng umabot lang sa 6% hanggang 7% ang paglago sa huling quarter dahil sa sunud-sunod na kalamidad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.