Pagiging ‘Inutil’ ng PDEA, Tinapatan ng Accomplishment Report

NANANATILING TIKOM ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga pahayag ng isang agent nito ukol sa umano’y pagiging inutil ng naturang ahensya at pag-iwas sa mga drug lord sa bansa.

Una nang inakusahan ni Agent Jonathan Morales ang liderato ng PDEA na nagbibingi-bingihan sa mga kaso ng malalaki at high profile drug cases sa kabila ng matitibay na ebidensya.

Sa halip na magsalita, nagpalabas ang PDEA ng 12-pahinang accomplishemnt report nito sa unang anim na buwan ng taon.

Lumalabas sa ulat  na umabot ng 4,476 drug personalities ang naaresto sa halos 7,800 operasyon nito.

333 sa mga naaresto ang itinuturing na high value targets tulad ng 13 kasapi ng African drug syndicate at 221 na nasa target list.

P1.2 bilyon na rin umano ang kabuuang halaga ng drogang nasamsam ng ahensya sa kasalukuyang taon.

Ipinagmalaki sa nasabing report ang pagkakadakip sa isang provincial board member, isang municipal councilor, tatlong barangay chairman at 17 barangay kagawad. Bukod pa ito sa 14 law enforcers kung saan walo rito ay mga pulis.

Walong drug group din sa bansa ang kanilang nabuwag kabilang umano ang Ponce-Alagar Group at August Group sa Region 1, Adriano Drug Group sa Region 3, Butones Group sa Region 4-A, Dawami-Bangi Group at Ameril Drug Droup sa Region 9, Isra Group sa ARMM, at Arimaw Group sa Region 11.

Kabuuang 12 shabu tiangge at 46 drug den ang kanilang nahuli.

Umabot na rin umano sa 5,000 ang kasong naisampa nila kasunod ng mga operasyong ito.

Una nang tinawag ni Morales sa kanyang alegasyon ang mga nagawang ito ng PDEA na pipitisugin lang at mga ‘buraot’ lang umano.

Ito ay dahil tila hawak sa leeg ng mga drug lord ang ahensiya kaya hindi masudpo ang iligal na droga sa Pilipinas.

Samantala, nananatiling team leader si Morales ng PDEA.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.