Pagharang sa insurance policy ng mga anak ni Napoles, inalmahan

UMAALMA ANG kampo ni Janet Lim-Napoles matapos kumilos na rin ang prosekusyon at Anti-Money Laundering Council (AMLC) para harangin ang mga insurance policy na ipinangalan sa mga anak ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam.

Ayon sa abogado ng negosyante na si Atty. Efren Gumathay, labag sa batas na pakialaman pa ng prosekusyon ang insurance policy dahil karapatan ng kahit sino na kumuha nito para sa anumang posibleng mangyari sa kanila.

Katwiran naman ng prosekusyon, kahina-hinala ang naglalakihang pondo na inilaan sa mga anak ng PDAF scam queen.

Base sa kanilang rekord, si Napoles ay may apat na insurance policies na nagkakahalaga ng $25,600; ang anak naman nito na si Jo Christine ay may dalawa rin na tig-P5,150,000 at isa pang $114,218.57; si James Christopher naman ay may dalawang tig-P6.7 milyon; si Jeane Catherine ay may P5.1-milyong insurance policy, habang P5 milyon naman para sa wala pang trabaho at 11-anyos na si John Christian.

Hinala ng AMLC, sinadya ni Napoles na mag-alocate ng naglalakihang insurance policy para sa kaniyang mga anak dahil alam nitong posibleng masilip ang kanilang mga bank account at properties kapag naisampa na ang kasong plunder sa Sandiganbayan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.