Paghahati sa Bagong Silang, suportado ni Malapitan

SUSUPORTAHAN NG lokal na pamahalaan ng Caloocan ang nagkakaisang apela ng higit na nakararaming residente na hatiin ang Barangay 176 Bagong Silang sa pitong barangay.

Ito ang naging pahayag ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan matapos itong maimbitahan sa serye ng mga pagdinig at personal na matunghayan ang kabi-kabila at nagkakaisang panawagan na mahati ang Bagong Silang upang mapaganda ang pagbibigay ng serbisyong pambarangay para sa mga nasasakupan nito. Ang Sangguniang Panlungsod, sa pangunguna ni Vice-Mayor Maca Asistio at City Councilors Karina Teh, Susan Punzalan, Jay Africa, Dean Asistio at Alou Nubla ang nagsagawa ng nasabing mga public consultation. Si Konsehala Rose Mercado ng District 2 ay dumalo rin sa konsultasyon.

“Ito na po ang boses ng taumbayan at nais nilang umaksyon agad dito ang kanilang lokal na pamahalaan. Makaaasa po kayo ng suporta dahil sa ating administrasyon, tao ang una,” ani Malapitan.

Ang Bagong Silang kasi ang itinuturing na pinakamalaking barangay kung populasyon at land area ang pagbabasehan. Sa ngayon, meron itong tinatayang 245,000 residente o 49,000 pamilya at lawak na 524.68 ektarya kwadrado. Kinakatawan nito ang 16.1 porsiyento nang kabuuang populasyon ng Caloocan.

Gayundin, ang Bagong Silang, mula Phase 1-10, ay matatagpuan sa Caloocan North. Isa itong resettlement area mula pa noong 1970’s at may boundary sa Hilaga at Kanluran na Marilao River, Barangay 175 sa Timog at Barangay 186 sa Silangan.

Sa ilalim ng Section 385 ng Local Government Code, maaaring hatiin ang isang barangay sa Metro Manila sa pamamagitan ng isang City Council ordinance at pagkakaroon ng majority vote mula sa isang plebisito na mamanduhan ng Commission on Elections sa mismong local government unit na apektado, basta’t matitiyak din na ang mga mabubuong barangay ay may populasyong hindi bababa sa 5,000 na pinatunayan ng National Statistics Office.

Kaugnay nito, sinabi ni Malapitan na may ikinakasang ordinansa si City Councilor Teh na paghahati ng Barangay 176 sa pitong barangay sa ganito: Barangay 176-A na kabilang ang Phases 1 at 2; 176-B, Phases 3 at 5; 176-C, Phase 4; 176-D, Phase 7; 176-E, Phase 8; 176-F, Phase 9 at 176-G, Phase 10.

Sa mga pagdinig, sinabi ni Lito Crisostomo, presidente ng isang lokal na grupo ng senior citizens at naninirahan na sa Bagong Silang Phase 1, mula pa noong 1973, umaasa itong mapagbubuti ang barangay health services lalo na para sa mga nakatatanda.

Ayon naman kay Stella Hicap ng Phase 7, palpak ang barangay rescue sa mga panahon ng kalamidad dahil sa kakaunting tauhan at napakalaki ng sakop nito.

Para kay Armed Forces of the Philippines Master Sergeant Ernesto Corosio, mahina ang seguridad sa kanilang lugar kung titignan ang kasalukuyang barangay setup, kung kaya’t umaasa ito para sa karagdagang mga barangay tanod sa hinaharap.

Samantala, sinabi ni Carlito Peralta, isang second termer barangay kagawad na pabor din ito sa paghahati para mapababa ang krimen at makapaghatid sila ng mas maayos na public service sa nasasakupan.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.