Paghahanda sa malakas na lindol SCHOOL BUILDINGS SA NCR, DADAAN SA MASUSING INSPEKSIYON

INIHAYAG NG DEPARTMENT of Education (DepEd) na magsasagawa na sila ng masu-sing inspection sa lahat ng school buildings sa National Capital Region (NCR) para masiguro na ligtas ang mga ito sa pagguho sakaling magkaroon ng malakas na paglindol.

Ayon kay DepEd Secretary Bro. Armin Luistro, partikular na iinspeksiyunin ang mga matatandaang gusali na itinayo bago ang taong 1995, bunsod ng posibilidad na hindi handa ang mga ito sa magnitude 7 na lindol.

Matatandaang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) na hinog na para gumalaw ang Marikina faultline at posibleng umabot ito sa lakas na 7.2 magnitude.

Sinabi naman ni Engr. Oliver Hernandez, head ng Physical Facilities and Schools Engineering Division na dapat nang tingnan kung ang mga sinaunang gusali ay puwede pang sumabay sa mga pagyanig.

“Siyempre hindi pa tayo aware sa standards ng building codes. So mukhang mas delikado ‘yung mga itinayo way, way back,” ani Engr.  Hernandez.

Nauna rito ay dinemolis ng DepEd ang Araullo at Manila High School at tinayuan ng mga bagong gusali.

Sa ngayon ay inaayos na rin ng DepEd ang pitong iba pang paaralan sa NCR, kabilang na ang Pag-asa Elementary School sa Bagong Silang, Caloocan City, na kabilang sa 10 paaralan na natuklasang hindi na ligtas sakaling lumindol, batay sa 2010 assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa kasalukuyan ay sa labas na lamang ng mga classroom nagkaklase ang mga mag-aaral ng Pag-asa Elementary School, dahil sa pangambang madisgrasya pa ang mga bata, at lahat ng gumagamit ng gusali.

Sinasabing bitak-bitak na ang mga sahig sa ikalawang palapag ng paaralan, at sira-sira na rin ang unang palapag nito, at maaring hindi na kayanin ang isang malakas na lindol.

Sa kasalukuyan naman ay patuloy ang pagsasagawa ng DepEd ng mga earthquake drills sa mga paaralan, upang matiyak na alam ng mga estudyante ang gagawin sakaling magkaroon nga ng lindol sa bansa.  (GIGI CONVOCAR)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.