Pagdulog ng Sabah Issue sa Int’l Court of Justice, Posibleng Katigan ng Malaysia

MALAKI ANG posibilidad na pumayag ang bansang Malaysia na dalhin sa International Court of Justice (ICJ) ang isyu sa pagmamay-ari ng Sabah.

Ayon kay University of the Philippines (UP) Law professor Harry Roque, dalawang beses nang nagpunta sa ICJ ang Malaysia kaugnay rin ng mga pinagtatalunang teritoryo sa iba pang bansa.

Ang ICJ ay isang judicial organ ng United Nations (UN).

Sinabi ni Roque na sa magkahiwalay na kaso, nanalo ang Malaysia laban sa Indonesia ngunit tabla naman sa Singapore at pinaghahatian na ngayon ang conflicting territories.

Hindi aniya tumatagal ng limang taon ang mga kaso sa ICJ. Kakaunti lamang din ang hawak na kaso rito.

Ibinahagi pa ni Roque na dati nang naging hakbang ng bansa na dalhin sa international court ang usapin, panahon pa panunungkulan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ngunit lagi naman itong tinututulan noon ng Malaysia.

Sa pagdulog sa ICJ, mas mabibigyang-linaw ang nabanggit na usapin at maiiwasang mauwi sa mas malala pang karahasan.

Ikinalungkot naman ni Roque ang nangyaring bakbakan sa Tanduo village na ikinasawi ng hindi bababa sa 10 Sulu gunmen kamakailan.

Ibinunyag din ni Roque na hindi lamang ang Sultanato ng Sulu ang umaangkin sa Sabah.

Suportado aniya ito ng kasulatan na pirmado ng mga sangkot na panig. “Kaya ang ibig sabihin po, hindi lang po ito claim ng Sultanate of Sulu, [kaya] claim po ito ng Pilipinas.”

Ayon sa isinulat na Philippine claim sa Sabah ni dating Senador Jovito Salonga, may dalawang basehan sa pag-angkin: ang pagbigay ng Sultanate of Brunei ng Sabah sa Sultanate of Sulu, at pagpapaupa sa Dent at Baron von Overbeck (kumpanya) ng Sultanate of Sulu.

Malinaw aniyang pagpapaupa at hindi bentahan ang pinasok na kasunduan ng sultanato at isang pribadong kumpanya (North Borneo Trading Company).

Ang lumalabas aniya mula nang makalaya sa Britanya ang Malaysia, tila ipinalagay na nito na sa kanila ang Sabah (North Borneo).

Sinabi naman ni Salonga na hindi ang Britanya ang pumasok sa kontrata kundi isang pribadong kumpanya na kinilala mismo ng matataas na opisyal ng Britanya ngayon na hindi maaaring magkaroon ng soberanya sa naturang lupain.

Noong magkaroon ng kasunduan si Pangulong Diosdado Macapagal at Sulu Sultanate, nagkaroon ng “full assignment of rights”. Ibig sabihin malinaw na hindi na ang Sultanate of Sulu ang may-ari ng Sabah.

Pilipinas aniya ang may-ari ng Sabah base sa Saligang Batas noong 1935 at 1987 kung saan sakop ng bansa ang Sabah.

Ibinahagi pa ni Roque na naging isyu rin kung sino ang tunay na Sulu sultan na may pag-angkin sa Sabah.

Samantala, ang naturang paglilinaw ay kasunod ng report ng pagkakaroon ng iba pang sultan na umaangkin sa Sabah.

Bagama’t ayon kay Roque, posibleng pulitika ang nasa likod ng nasabing isyu.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.