Pagdawit kay Abad sa pork; dinedma ni PNoy

HINDI APEKTADO si Pangulong Noynoy Aquino III sa paglutang ng pangalan ni Buget Sec. Florencio ‘Butch’ Abad sa Napoles list o bagong mga pangalang isinasangkot sa pork barrel scam.

Maliban sa nasabing impormasyon ay tumangging magbigay ng opinyon o komento si deputy presidential spokesperson Abigail Valte tungkol sa pagsangkot sa ilang kaalyado ng Punong Ehekutibo at ng kasalukuyang administrasyon sa kontrobersya at sinabing hindi rin umano nila alam kung ano ang motibo sa likod ng mga pagpapakalat ng impormasyon.

Inihayag naman ng Palasyo na mas mabuti kung hintayin na lamang na isapubliko ng Department of Justice (DOJ) ang affidavit ni Janet Lim-Napoles sa halip na makisali pa sa panawagan na ilabas na ang listahan ng mga sankot sa kontrobersyal na scam.

Sinabi ni Valte na sa kanilang pagkakaalam tanging si Justice Sec. Leila de Lima ang siyang may hawak ng affidavit ng negosyante kaya naman ang mga naglalabasang mga ulat na nagdadawit sa kung sinu-sinong kongresista at senador ay masasabing wala namang basehan.

Batid umano ng DOJ ang mandato nito at habang nasa proseso pa ng beripikasyon ang ahensya ay mainam na hintayin na lamang ito kaysa sa magpalabas ng mga maling ispekulasyon na nagdu¬dulot lamang ng gulo.

Hindi rin bumenta kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang pinasisingaw na impormasyong si Abad diumano ang ‘tutor’ ni Napoles sa pork barrel scam, dahilan para bansagan itong ‘pork king’ sa ilang naglabasang report.

Ayon kay Belmonte, hindi naman ganoon kilala noong kongresista si Abad, ang panahong sinasabing nakipagsabwatan ito sa tinaguriang utak ng scam na si Napoles.

Naniniwala naman si Sen. Sergio Osmeña III na magkakaroon lamang ng kredibilidad ang sinasabing bagong listahan kung ang mismong sentro ng anomalya na si Napoles ang maghahayag nito.

Iginiit rin ng mambabatas na hindi rin umano puwedeng si De Lima ang magsiwalat sa mga detalye ng listahan ng naturang negosyante.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.