Pagcor Chairman Bong Naguiat, ramdam na ang asenso!

MALAKI NA ANG INIUNLAD ng ilan sa mga classmate ni Noynoy.

Si Pagcor Chairman Bong Naguiat na dating nakikipisan lamang sa kanyang former mayor na biyenan ay nakalipat na pala sa bagong bahay niya sa La Vista, Quezon City.

Para sa kaalaman ng mga walang idea kung anong klaseng subdivision ang La Vista, parang itong Forbes Park ng Makati City.

Ang tabas ng lote rito ay minimum sa 1000 square meter at ang mga bahay rito ay parang mga palasyo.

Para mas lalo n’yong maintindihan kung anong klaseng community ito, magkakapitbahay sa La Vista sina dating Senador Raul Roco, dito na rin nakabili ng bahay si Senador Miriam, mga dating cabinet secretaries at ang famous homeowners doon ay ang mag-asawang Mike at Gloria Macapagal-Arroyo.

Hindi bababa sa P100 million ang karaniwang bahay sa La Vista na pangarap ko rin sanang malipatan kapag nanalo ako sa pusoy.

Buti pa si Chairman, nakaalis na sa bahay ng biyenan na nasa peaceful community sa tabi ng mga punerarya sa Araneta Avenue.

Kunsabagay, may karapatan din namang guminhawa si Chairman Naguiat.

Tamang-tama ang slogan ni GMA para kay Chairman… ramdam ko na ang asenso!

SPEAKING OF PAGCOR, ano na ang nangyari sa pangako ni Naguiat na buburahin ang Memorandum of Agreement na pinasok ni dating Pagcor Chair Efraim Genuino sa Resorts World Manila?

Umuugong pa lamang ang appointment ni Naguiat, marami na siyang pinagyayabangan na susunugin niya ang MOA at ang lahat ng kontratang pinasok ng dating Pagcor chief ay bubusisiin.

Maging ang mga suppliers ng Pagcor sa dating administrasyon ay pakakasuhan daw niya dahil sa sinasabing iregularidad na transaksiyon.

Pagkalipas ng pitong buwan, alive and kicking pa rin ang MOA ng Resorts World Manila at ang mga dating suppliers na sinasabi niyang umagrabiyado sa pamahalaan ay balik na sa pagnenegosyo sa Pagcor.

AT SI CHAIRMAN Genuino na nakipagkasundo sa Resorts World ay pasipul-sipol lamang sa mga coffee shop habang ang Pagcor ay buung-buong nilapa ng nilikha niyang monster na kung tawagin ay MOA.

Sa ilalim ng MOA, 75%-25% ang hatian.

Ang Pagcor na may hawak ng prangkisa para mag-operate ay parang namamalimos na lamang ng beinte singko porsiyento at ang outsider na Resorts World ay tumatabo ng sitenta’y singko porsiyento.

Ang ending, ang mga casino na owned and operated by Pagcor ay dumaranas ng pagkabangkarote samantalang ang Resorts World ay tumatabo ng P1.2 billion kada buwan.

ANG BALITA NATIN, may mga nag-aalok na ng ebidensiya sa Senate Blue Ribbon Committee para masimulan ang imbestigasyon sa Pagcor pero mukhang bumagsak lang sa taingang kawali ni Chairman TG Guingona.

Sa isang banda, mas okey na ang pag-isnab ni TG sa mga ebidensiya dahil kahit paano, alam mong wala kang pag-asa. At wala kang aasahan sa kanya.

Kaysa naman sa mga ibang pulitiko na kukunin lang ang mga dokumento para ibenta sa mga sangkot sa anomalya.

Hindi na inaksiyunan, pinagkakakitaan pa ang mga katiwalian!

Simpleng-simple ang pagkagarapal!

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.