Pagbuwag ng Bank Secrecy Law, tinutulan

TINUTULAN NG ilang mambabatas ang mungkahi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares sa Kongreso na buwagin na ang Bank Secrecy Law.

Ayon kay Sen. Grace Poe-Llamanzares, kung magkakaroon ng kalayaan ang BIR na busisiin ang bank account ng sinuman ay baka mawalan na ng tiwala sa mga banko ang mga depositors na tiyak makaaapekto sa ating ekonomiya.

Bunsod nito ay iginiit din ng senadora sa BIR na pag-aralan muna nitong mabuti ang kahilingan at humanap ng mas mainam na paraan sa pagdetermina ng mga hindi nagbabayad ng buwis.

Iginiit naman ni Sen. Nancy Binay, mas maraming disadvantages o negatibong dulot ang nais ng BIR.

Una aniya rito ang posibilidad na pagkalat ng impormasyong makukuha ng BIR ukol sa bank accounts ng sinuman na posibleng maging dahilan ng kanilang pagkakapahamak.

Tutol din sa nasabing panukala sina senador Chiz Escudero, Sonny Angara, Vicente Sotto III sa hirit ng BIR na ibasura na ang Bank Secrecy Law sa layuning mahabol kung sinu-sino ang hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Pero depensa naman ni Henares na sa ganitong paraan ay mabigyan ng proteksyon ang tax system ng bansa para maiayon sa global standards ng paghabol sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.